Ibinahagi ng premyadong aktor na si John Arcilla ang kaniyang saloobin tungkol sa masasamang salitang ipinupukol sa kaniya dahil masyadong epektibo at mahusay ang pagganap niya bilang kontrabida, partikular sa katatapos lamang na seryeng "FPJ's Ang Probinsyano".

Nausisa ni Ogie ang tungkol umano sa "death threats" na natatanggap ni John bilang "Renato Hipolito" mula sa mga masugid na tagasubaybay ng serye at ni "Cardo Dalisay" na ginampanan ng aktor-direktor nitong si Coco Martin.

Basahin: https://balita.net.ph/2022/08/12/john-arcilla-pinagbabantaan-ng-mga-gigil-na-gigil-na-netizen-dahil-sa-role-niya-sa-ang-probinsyano/">https://balita.net.ph/2022/08/12/john-arcilla-pinagbabantaan-ng-mga-gigil-na-gigil-na-netizen-dahil-sa-role-niya-sa-ang-probinsyano/

Sey ng aktor, may tatlong phase ang kaniyang pagtanggap sa response na natatanggap niya mula sa mga tao. Sa unang dalawang taon pa lamang daw ng kaniyang pagiging bahagi ng cast ay nakatatanggap na siya ng mura mula sa mga netizen, na nagpapadala ng private message sa kaniyang social media account.

Tsika at Intriga

Niligwak daw sa TNT: ABS-CBN, It's Showtime pinaratangang credit crabber dahil kay Sofronio

Natetensiyon daw siya kapag ganito dahil hindi raw niya alam kung seryoso o nagbibiro ba ang mga taong ito. Nasasabihan pa raw siya na "Papatayin kita" o kaya naman ay "Tatagpasin ko ulo mo kapag nakita kita". Lumalaban daw kasi ang aktor at hindi niya alam kung paano haharapin ang mga taong ito kung sakaling totohanin ang banta sa kaniya.

Ngunit dumarating din naman sa realisasyon si John na teleserye lamang naman ito kaya hindi na lamang niya pinapatulan. Binubura na lamang niya ang mensahe o bina-block sila.

Hanggang sa natutuhan ni John na daanin na lamang sa biro ang pagsagot sa mga "hate messages" na natatanggap niya dahil sa kaniyang karakter.

At pangatlo naman daw, noong malapit na ang pagtatapos ng serye, mas dumami raw ang mga nagpapadala sa kaniyang death threats, at mas alarming daw dahil binabanggit na ang mismong pangalan niya at hindi na bilang si Hipolito.

Nakatanggap daw siya ng mga pahayag na "Ipababarang kita" at "Mamatay ka na sana sa totoong buhay".

Para kay John, nakakaalarma ito dahil may ilang Pinoy audience na tila hindi na nahihiwalay ang pagkakaiba ng realidad, sa fiction lamang.

"Hindi n'yo nakikita yung realidad, parang nakakaalarma naman na yun. Mas naaalarma ako sa kanila kaysa sa akin. Kasi ang feeling ko pag yung mga tao hindi makita yung realidad do'n sa fiction, may problema sila," giit ni John.

"Parang… i-review n'yo naman yung sense of reality n'yo. Kasi mamaya makasakit kayo ng tao, eh. At saka n'yo lang ma-realize na teleserye no'ng nakasakit na kayo ng tao."

"I think kung maraming tao sa isang sosyedad na ganoon mag-isip… ito yung dahilan kung bakit ang dali nating maniwala sa mga maling kuwento," giit ni John.

Hindi lamang umano sa Pilipinas nangyayari ito kundi maging sa ibang bansa. Kapag ganito raw ang kaisipan ng Pinoy audience, sa palagay ni John ay problema ito ng sosyedad.

"Isa yun sa mga dahilan kung bakit puwede tayong madaling maniwala sa mga kuwento-kuwento," dagdag pa ng mahusay na aktor.