Nadiskubre ng mga tauhan ng gobyerno ang mahigit sa 57,000 sakong imported na asukal na nagkakahalaga ng₱285 milyon sa isang bodega sa Quezon City kamakailan.
Sa report ng Bureau of Customs (BOC), nabisto ang libu-libong sakong asukal na inangkat sa Thailand sa bodega ng La Perla Sugar Export Corporation sa lungsod nitong Martes.
Gayunman, isinapubliko lamang ang operasyon ng BOC nitong Sabado, Agosto 27.
Naiulat na 50 kilos ang laman ng bawat sakong asukal na nagkakahalaga ng₱5,000.
Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng BOC upang madetermina kung sangkot sa smuggling ang may-ari ng nadiskubreng asukal.
Bukod sa BOC-Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), kasama rin sa operasyon ang mga tauhan ngEnforcement and Security Service-Quick Response Team ng Manila International Container Port, at Armed Forces of the Philippines (AFP).
Kamakailan, nadiskubre rin ng BOC ang daan-daang milyong halaga asukal na nakaimbak sa mga bodega sa Pampanga, Bulacan, Subic sa Zambales at Cavite.