BAGUIO CITY -- Nagtapos ng elementary at junior high school sa ilalim ng Alternative Learning System (ALS) program ng Department of Education (DepEd) ang 38 Person Deprive of Liberty (PDL) mula sa male at female dorm saBaguio City Jail ng Bureau of Jail Management and Penology.

Sa nasabing bilang, 30 ang mula sa male dorm at ang tatlo dito ay nagtapos sa elementarya samantalang walo naman sa female dorm kung saan ang dalawa rito ay nagtapos sa elementarya.

Ayon kay JSupt.Mary Ann Ollaging-Tresmanio, jail warde, ang mga PDL learner ay sumailalim ng anim na buwang ALS Mobile learning at bukod dito ay ginabayan din sila ng ilang jail guards na may alam sa pagtuturo.

“Bagama’t may mga edad na ang ating PDL ay hindi ikinahiya na mag-aral pa sa kabila ng kanilang kinahaharap na kaso, dahil gusto nilang matuto at nagpapasalamat tayo sa DepEd na may ganitong programa para sa kanila,” ayon kay Tresmanio.

Probinsya

Ash falls dulot ng bulkang Kanlaon, naranasan sa ilang bahagi ng Negros Occidental

May kabuuang 425 PDL ang nasa male dorm, samantalang 92 naman sa female dorm, na 60 porsyento dito ay may mga kasong paglabag sa Republic Act 9165.

Ayon kay Mang Basilio, 57, ang pinakamatandang learner na nagtapos, ay malaki ang kanyang pasasalamat sa ALS program ng DepEd dahilnabigyan siya ng pagkakataon na makatapos ng elementarya sapagkat Grade 2 lamang ang natapos niya.

“Noong kabataan ko, naloko ako sa barkada at nang pasukin ko ang pocket mining ay nainggayo ako sa kinikitang pera, hanggang sa makalimutan ko na ang pag-aaral. Gusto ko man mag-aral noon, pero nahihiya na ako dahil sa edad ko,” pahayag ni Mang Basilio.

Ayon kay Mang Basilio, walo ang kanyang anak, na lahat ay nagtapos ng pag-aaral at may mga kurso.

“Sa edad kong ito ay pinilit ko na makasali sa ALS at marami akong natutunan, lalo na ang pagsulat ng aking pangalan at pagbabasa, kaya kung sakaling makalaya ako ay hindi na ako magmumukhang no read, no write at kung mabibigyan pa ng pagkakataon ay gusto ko ring marating ang junior high school,” aniya.

Panawagan nito sa mga kabataan na mahalaga ang edukasyon dahil dito naka-akibat ang buhay o kapalaran ng isang tao.

“Kayong mga kabataan huwag ninyong sayangin ang panahon, mag-aral habang bata pa, mahirap na kagaya ko na matanda na saka lang nag-isip na mag-aral sa kabila pa nasa loob ng kulungan,” dugtong pa ni Mang Basilio.