Nakadiskubre pa ang gobyerno ng 360,000 sakong asukal, kabilang na ang mga inangkat, sa isinagawang pagsalakay sa tatlong bodega sa Silang, Cavite, ayon sa pahayag ng Department of Trade and Industry (DTI) nitong Biyernes.
Sinabi ni DTI Undersecretary Ruth Castelo, inaalam pa nila kung may kaukulang papeles ang nabistong daan-daang libong sakong asukal.
Iniimbestigahan na rin ang mga may-ari ng tatlong bodega upang madetermina kung sangkot sila sa nagtatago ng produkto.
Matatandaang nasamsam ng Bureau of Customs (BOC) ang ₱220 milyong halaga ng 44,000 sakong asukal na pinaghihinalaang ipinuslit sa bansa sa mga bodega sa Pampanga at Bulacan nitong nakaraang linggo.
Bukod pa ang nakumpiskang 140,000 sakong puting asukal na nagkakahalaga ng ₱45.6 milyon sa Port of Subic sa Zambales.
Nauna nang ipinaliwanag ng Malacañang na layunin ng mga pagsalakay na matiyak kung nagkakaroon ng "artificial" na kakulangan ng suplay ng asukal sa bansa.