Isang tricycle driver ang patay nang pagsasaksakin ng lalaking dati umanong ka-live in ng kanyang kasintahan, matapos na maaktuhan sila nitong magkatabing natutulog sa Tondo, Manila nitong Miyerkules.

Naisugod pa sa Tondo Medical Center ang biktimang si Jean Syrus Buenafe, 22, residente ng 3532 G. Santiago St., Barrio Obrero, Tondo, ngunit binawian din ng buhay dahil sa 14 na tama ng saksak sa iba't ibang bahagi ng katawan.

Arestado naman ang suspek na si Eyrie Elgie Jacobe, 25, ng 2787 R. Cruz St., Gagalangin, Tondo.

Batay sa ulat ng Manila Police District (MPD)- Homicide Section, nabatid na dakong alas-10:30 ng umaga nang maganap ang krimen sa loob ng bahay ni Trisha Uñamayor sa 2809 P. Fronda St., Gagalangin, Tondo.

Metro

Mayor Lacuna: Payout sa 203K seniors, malapit nang matapos

Si Uñamayor ay dati umanong live-in partner ng suspek at kasalukuyang nobya ngayon ng biktima.

Sa imbestigasyon ni PSSg Arvy Macaraig, may hawak ng kaso, lumilitaw na bago ang krimen ay nagtungo umano ang suspek sa bahay ni Uñamayor ngunit nagalit ito nang maabutang magkatabi ang babae at ang biktima sa loob ng silid.

Kaagad umanong nagtungo ang suspek sa kusina at kumuha ng kutsilyo at saka pinagsasaksak ang biktima.

Ang suspek ay nakapiit na at nakatakdang sampahan ng kasong pagpatay sa piskalya.