Hindi na tumatanggap ng mga walk-in applicant ang Department of Social Welfare ang Development (DSWD) para sa pamamahagi ng educational cash assistance sa mahihirap na estudyante upang maiwasang magsiksikan sa mga payout site.
“No. Kasi 'pag nag-walk in po magkakaproblema na naman po tayo. ‘Yun po ang mahigpit na instruction, this will be the difference,” paglalahad ni DSWD Secretary Erwin Tulfo sa isinagawang pulong balitaan nitong Miyerkules.
Pinayuhan ng kalihim ang mga nagnanais na tumanggap ng cash assistance na magparehistro muna online o mag-email sa [email protected].
Maaari rin aniyang bumisita ang mga aplikante sa DSWD website para sa karagdagang impormasyon.
“Aside from online, puwedeng QR code, puwedeng text kung hindi smartphone ang gamit nila, sasagutin naman namin. There is no more reason na sabihin nilang wala kaming cellphone. Tapos ‘yung mga anak nila nag-online naman last year, e di magpaturo po sila sa anak nila o ‘yung anak nila ang magregister. Madali lang po kaming hanapin, pupunta lang po sa website ng DSWD at d'un nila makikita ‘yun,” aniya.
Ipinaliwanag din niya na naging maganda pa ang kinalabasan ng magulong sistema ng pamamahagi ng cash assistance nitong Sabado.
“I think this is a blessing in disguise kasi ang gusto ni President Ferdinand Marcos Jr. digitalize ang gobyerno, ang transaction ng mga kababayan natin ay digital, digitalization po kaya we have to start it now, dito mag-uumpisa," sabi nito.
Ang mga aplikante aniya ay makatatanggap ngtext message mula sa DSWD na nagsasabing kung saan sila dapat magtungo para sa pamamahagi ng tulong pinansyal ng gobyerno.
Ipaiiral aniya ang alphabetical order upang hindi magulo ang pamamahagi ng cash assistance.