Binalaan ng Department of Health (DOH) ang publiko na huwag bale-walain ang monkeypox na mayroon nang tatlong kaso sa bansa.

Sa kanilang Facebook post, sinabi ng DOH na wala pa ring lunas ang naturang virus kaya kinakailangang mag-ingat upang hindi mahawaan nito.

"Nagbibigay tayo ng alaga at gamutan base sa mga sintomas ng pasyente, halimbawa: paracetamol para sa lagnat at hapdi dulot ng pantal," ayon sa ahensya.

Naglabas ng mga paalala ang ahensya upang maiwasang mahawaan ng sakit.

National

Padilla, Zubiri, pinaiimbestigahan status ng implementasyon ng amnesty proclamations ni PBBM

Payo ng DOH, dapat na protektahan ang sarili sa pamamagitan ng minimum public health standards: Kung maaari ay magsuot ng long-sleeves at pantalon upang matakpan ang balat, magsuot ng facemask, I-sanitize ang mga kamay at iwasan ang pakikipagsiksikan.

Umapela rin ang DOH na huwag na munang makipagyakapan, makipaghalikan, magpamasahe na nagbibigay ng panganib ng pagkalantad sa monkeypox virus.

Kabilang lamang sa sintomas ng sakit ang lagnat, pagsakit ng ulo, pananakit ng katawan, kulani, panginginig, matinding pagkapagod, pananakit ng lalamunan, ubo, baradong ilong, pagpapantal na mukhang pimples o malilit na paltos sa dibdib, ari, puwit, mukha, loob ng bibig, kamay at paa.

Sa datos ng DOH, tatlong kaso na ng sakit ang naitala sa bansa: isa nitong nakaraang buwan at dalawa ngayong Agosto.

Matatandaang nagdeklara ng global health emergency ang World Health Organization (WHO) nitong Hulyo 23 dahil na rin sa paglaganap ng monkeypox.