Isinailalim na sa Signal No. 1 ang 12 lugar sa Northern Luzon dahil na rin sa bagyong 'Florita'l na inaasahang magpapaulan sa unang araw ng pasok sa paaralan ngayong Lunes, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Kabilang sa mga naturang lugar ang Cagayan, Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, Apayao, Abra, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Ilocos Norte, Ilocos Sur, at northern portion of Aurora na sumasaklaw sa Dilasag, Casiguran, Dinalungan, at Dipaculao.
Huling namataan ang bagyo sa layong 310 kilometro sa silangan ng Casiguran, Aurora.
Taglay nito ang lakas ng hanging 55 kilometro kada oras at bugsong hanggang 70 kilometro kada oras.
Kumikilos ang bagyo pa-kanluran timog kanluran sa bilis na 20 kilometro kada oras.
Binanggit pa PAGASA, posibleng mag-landfall ang bagyo sa bisinidad ng silangang bahagi ng karagatan ng Cagayan o northern Isabela.
Pagkatapos nito, inaasahang dadaan ang bagyo sa Babuyan Channel at posibleng lumapit o tatama sa Babuyan Islands nitng Martes ng gabi o sa Miyerkules ng madaling araw bago tumahak sa West Philippine Sea.