Isang lalaki ang pinagsasaksak at napatay ng kanyang kainuman matapos silang magkapikunan habang nagkakasiyahan sa Cainta, Rizal nitong Biyernes ng gabi.

Dead on arrival sa Cainta Municipal Hospital ang biktimang si Joseph Torebio habang arestado naman ang suspek na si Leomar Garcia.

Batay sa ulat ng Cainta Municipal Police Station, dakong alas-10:30 ng gabi nang maganap ang krimen sa 42 Crown St., Village East Executive Village, Brgy. Sto Domingo, Cainta, Rizal.

Nauna rito, nag-iinuman umano ang biktima at suspek, kasama ang mga kasamahan nila sa trabaho nang bigla na lang magkapikunan ang mga ito, na nauwi sa suntukan.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Sa kasagsagan ng away ay kumuha umano ng patalim ang suspek at pinagsasaksak ang biktima sa kanyang braso at katawan.

Nang duguang bumagsak ang biktima ay mabilis na tumakas ang suspek bitbit ang patalim na ginamit sa krimen, habang isinugod naman ng mga kasamahan ang biktima sa pagamutan, ngunit idineklara na ring patay ng mga doktor.

Kaagad ring humingi ng tulong ang mga saksi sa mga guwardiya ng subdibisyon at sa mga barangay officials kaya’t kaagad ring naaresto ang suspek at itinurn-over sa pulisya.

Ang suspek ay nakapiit na at nakatakdang sampahan ng kasong homicide sa piskalya.