Desidido ang pamilya ng isang biktimangnamatay sa hit-and-run na mapanagot ang isang opisyal ng Quezon City Police District (QCPD) na isinasangkot sa nasabing aksidente sa Quezon City, kamakailan.

Sa panayam sa telebisyon kay Arlene Laroa Buenvenida, kapatid ni Joel Laroa, isang tricycle driver, nais din nilang lumantad si Lt. Col. Mark Julio Abong at akuin ang insidente.

Si Abong ang itinuturo ng pamilya na bumangga kay Laroa na noo'y namamasada sa panulukan ng Anonas at Pajo Sts., Brgy. Quirino 2A noong Agosto 6 ng gabi.

Nitong Agosto 16 ay sinibak ni QCPD Director Brig. Gen. Nicolas Torre III si Abong bilang hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng QCPD kaugnay ng insidente.

Metro

Doktor, patay nang tikman umano ang inuming ipinadala ng pasyente

Ayon kay Buenvenida, naniniwala silang si Abong ang nagmamaneho ng pick-up na Ford Ranger (NCG-8456) nang mabangga nito ang kanilang kanilang kapatid (Laroa).

Ito ay nang kumalat sa social media ang isang video na nakikitang nakaparada ang sasakyan ni Abong sa lugar kung saan naganap ang aksidente at nilapitan ng mga pulis.

Ayon kay Buenvenida, hindi nila maipaliwanag kung bakit hindi inaresto ng mga pulis ang driver ng nasabing sasakyan.

Nauna nang itinanggi ni Abong na siya ang nagmamaneho ng sasakyan nang maganap ang aksidente.

Ang caretaker umano ng kanyang sasakyan na si "Ronald Centino" ang nagmamaneho nang mabangga si Laroa.

Ganito ang depensa ni QCPD deputy director for administration, Col. Fernando Ortega.

Gayunman, sinabi ng isang reliable source mula sa QCPD na si Abong ang nagmamaneho nang maganap ang aksidente.

"Paano ka aarestuhin kung magpakilala ka ba naman na isang Colonel," sabi ng source.

Namatay sa aksidente si Laroa at nasugatan naman ang pasahero nito.

Nahaharap na si Abong sa kasong reckless imprudence resulting in homicide, physical injuries at damage to property.