Nilagdaan na ni Manila Mayor Honey Lacuna ang paglalabas ng monthly allowance ng mga college at senior high school (SHS) students ng city-run Universidad de Manila (UDM) para sa buwan ng Mayo hanggang Hunyo 2022, nabatid nitong Huwebes, Agosto 18.

Ayon kay Lacuna, ang total recipients ng naturang monthly cash allowance ay nasa 11,161 college students at 580 SHS students, na pawang nag-aaral sa UDM.

Nabatid na ang mga college students ay tumatanggap ng monthly allowance na P1,000 mula sa city government habang ang mga SHS students naman ay mayroong P500 kada buwan.

Ang naturang grant ay bahagi ng social amelioration program ng city government, na pinaglaanan ng P117 milyong budget.

Metro

Doktor, patay nang tikman umano ang inuming ipinadala ng pasyente

Sinabi ng alkalde na layunin ng naturang cash aid na matulungan ang mga estudyante sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan sa eskwela.

“Kahit walang face-to-face classes, ito po aytulong para sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan, bagamat libre ang pag-aaral. Ang mahalaga ay ang paga-alala at pagbigay ng lahat ng inyong kailangan,” anang alkalde.

Sinabi ni Lacuna na ang hinihingi lamang na kapalit ng city government para sa naturang tulong ay ang mag-aral ng mabuti ang mga mag-aaral para na rin matiyak na makapagtatapos sila at magkakaroon ng magandang kinabukasan.

Binigyang-diin ni Lacuna na ang pagkakaroon ng college degree ay ang tanging susi upang magkaroon ng mas maayos na buhay ang mga estudyante at kanilang mga pamilya.

“The monthly allowance is a privilege bilang mag-aaral ng UDM at hindi obligasyon.Kaya lamang po, noong panahon ni Mayor Isko,alam niya ang mga pinagdadaanan ng isang mag-aaral sa pampubliko at ayaw niya mangyari sa inyo ang kanyang pinagdaananan,” aniya pa.

Idinagdag pa ng alkalde na ito rin ang pinakadahilan kung bakit ang pamahalaang lungsod ay palagi at 100 porsiyentong nakaalalay sa UDM na pinamumunuan ng pangulo nitong si Felma Tria at ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM).

Samantala, pinaalalahanan rin ni Lacuna ang mga estudyante, partikular na ang mga graduates, na tiyaking magpapasalamat sila sa kanilang pamilya at mga guardians na sumusuporta sa kanilang pag-aaral.