Patay ang isang driver habang sugatan ang apat pang indibidwal matapos na araruhin sila ng isang passenger jeepney nang maidlip umano ang driver nito sa Tanay, Rizal nitong Lunes ng umaga.

Dead on arrival sa Tanay General Hospital ang biktimang si Abner Fercol dahil sa pinsalang tinamo sa ulo at katawan, habang nilalapatan na ng lunas ang mga sugatang sina Marie Grace Pacardo, Daniel Moore, Maria Christine Felcor, at Dong Inarda.

Samantala, arestado naman ang suspek na nakilalang si Virgilio Duran.

Sa ulat ng Tanay Municipal Police Station nitong Martes, nabatid na dakong alas-7:33 ng umaga nang maganap ang aksidente sa M. H. del Pilar St., Sitio Suyok, Brgy. Plaza Aldea, sa Tanay.

Metro

Mayor Lacuna: Payout sa 203K seniors, malapit nang matapos

Bago ang aksidente ay minamaneho umano ni Duran ang isang Isuzu jeepney na may plakang DVL 408 at binabagtas ang naturang kalsada patungo sa Pililla, Rizal nang dahil sa antok ay bigla umano siyang maidlip.

Dahil dito, nawalan siya ng kontrol sa jeepney at inararo ang isang Rusi motorcycle na may sidecar na minamaneho ni Fercol, at tatlo pang sasakyan na nakaparada sa gilid ng kalsada, kabilang ang isang Yamaha Mio Soul single motorcycle na pagma-may-ari ni Salvador Rigay; isang Krypton single motorcycle na pagma-may-ari ni Orlando Rapsing; at isang Rusi single motorcycle na pagma-may-ari ni Edmundo Rigay, gayundin ang mga nasugatang sina Pacardo, Moore, Felcor, at Inarda.

Nakapiit na si Duran at sasampahan ng kasong reckless imprudence resulting in homicide and multiple injuries.