Hindi umano naka-record sa book of accounts ng Philippine National Police (PNP) ang mga natanggap na donasyong mahigit sa ₱267 milyon, ayon sa Commission on Audit (COA).

Sa isinapublikong pinakahuling annual report ng COA, tinukoy nito ang mga donasyong natanggap ng PNP na hindi pa naka-rekord dahil sa hindi pagsusumite ng deeds of donation at iba pang dokumento ng mga logistic officers sa kani-kanilang accounting units.

Kabilang sa listahan ang 49 units ng Hyundai Elantra at 81 Starex vans na donasyon ng Republic of Korea sa regional at provincial offices, at sa mga tanggapan ng PNP headquarters mula 2017 hanggang 2020.

“Moreover, we gathered information from PNP’s annual reports and news articles and have noted that the following donations were not yet recorded in the books of accounts,” ayon sa COA.

National

CHIZmis lang daw? Pagkalas sa liderato ni SP Chiz, itinanggi ng ilang senador

Bukod dito, binanggit din sa report ng COA ang 22 units ng Toyota Grandia na donasyon ng Public Safety Savings and Loan Association, apat na unit ng Toyota Hilux na mula sa Servequest Properties Corporation, at dalawang unit ng Toyota Hilux mula sa Rotary Club of Makati Central na natanggap ng PNP noong 2020.

Sinabi rin ng COA na napagkasunduan ng pamunuan ng PNP sundin ang naging rekomendasyon ng una na magsumite na lamang sila ng mga kopya ng deeds of donation at iba pang papeles ng mga nasabing donasyon upang maayos ang usapin.