Kinastigo ni Senator Imee Marcos ang Department of Agriculture (DA) matapos madiskubre na ang puting sibuyas ang pinupuntiryang angkatin ng mga 'agricultural smuggler' dahil sa umano'y kakapusan ng suplay nito sa bansa.

Pagdidiin ng senador, kahit pa sapilitan nang nagbitiw ang isang mataas na opisyal ng DA matapos mabuko na ito ang nanguna sa pagmamaniobra upang ilusot ang planong importasyon ng asukal na kalauna'y ibinasura ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr..

"Maging babala na ito sa lahat. Buking na namin ang nangyayaring modus operandi. Lumang tugtugin na 'yan. Paulit-ulit na lang, eh," sabi ng senador.

"Una, nagpupuslit sila. Sumunod, nag-iimbento na sila ng kakapusan, kaakibat pa kuno ang lehitimong permiso ng importasyon. Sa susunod na linggo, 'di na ako magtataka kung babaha ng mga puslit na sibuyas sa mga palengke na saklaw ng lehitimong order ng nakalululang kantidad," sabi pa nito.

National

Pinili ng Santo Papa: Rector ng Quiapo Church, bagong obispo ng Diocese of Balanga

Matatandaang naharang ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) ang aabot sa ₱36 milyong halaga ng puslit na sibuyas sa Mindanao International Container Terminal Port sa Tagoloan, Misamis Oriental kamakailan.

Idineklara bilang "Spring Roll Patti" at "Plain Churros ang kargamentong idi-deliver sana sa Frankie Trading Enterprises at Primex Export and Import Producer nang masabat ng mga awtoridad.

Kamakailan, nagbitiw sa puwesto si DA Undersecretary Leocadio Sebastian matapos matuklasang kabilang siya sa pumirma sa isang resolusyong para sa importasyon ng 300,000 metriko toneladang asukal sa kabila ng kawalan ng go-signal ng Pangulo.