Nararamdaman na ngayon ng publiko ang kakulangan ng suplay ng puting sibuyas sa bansa.

Ito ang kinumpirma ni Department of Agriculture (DA) Undersecretary Kristine Evangelista sa panayam sa telebisyon nitong Miyerkules, Agosto 10.

Gayunman, sinabi ni Evangelista na gumagawa na sila ng paraan upang masolusyunan ang usapin.

"'Yung sa white onions, wala na talagang supply. Tiningnan natin 'yung inventory at wala na tayong suplay ng white onion. Kaya kahit sa mga palengke, kahit dito mismo sa bagsakan eh walang white onion, siyempre po walang makararating lalo na sa palengke," sabi ni Evangelista nang bumisita ito sa bagsakan ng sibuyas sa Balintawak cloverleaf market.

National

Rep. Ortega, sang-ayon kay SP Chiz na ‘di dapat magkomento mga senador sa impeachment

Bukod dito, wala rin aniyang suplay ng puting sibuyas sa mga supermarket at restaurant.

Naiulat na dalawang linggo nang walang suplay ng puting sibuyas sa Cloverleaf market sa Balintawak.

Dahil dito, pinag-aaralan na ng DA ang pag-aangkat ng puting sibuyas upang matugunan ang pangangailangan nito sa merkado.

"Initially kasi kailangan natin ng availability tsaka siyempre dapat mababa ang presyo kaya ang tinitingnan natin ang pag-angkat. Pero kung gaano karami ang ating aangkatin at hanggang kailan tayo mag-aangkat, 'yan ang pag-uusapan with the producers para hindi sumabay 'yung pagpasok ng ating imported na onions doon sa harvest season ng ating mga magsasaka," anang opisyal.

Nauna nang nagrereklamo ang mga magsasaka dahil bukod sa mataas ang presyo ng abono (pataba) at diesel, tumaas din umano ang presyo ng binhi ng puting sibuyas kumpara sa pulang sibuyas.

"Meron na tayong mga tulong na ibinigay sa ating mga rice farmers 'di ba? So titingnan naman natin kung paano natin matutulungan 'yung mga high-value crops [farmers] po pagdating sa assistance tsaka subsidiya sa kanilang produksiyon," aniya.

Sinabi pa ni Evangelista na makikipagpulong sila sa mga magsasaka o onion growers upang matulungan ang mga ito na magtanim ng puting sibuyas.

Kamakailan, naiulat na umabot na sa₱400 ang presyo ng kada kilo ng puting sibuyas sa bansa.