Ipinaghambing ng aktres at dating Director General ng "Film Academy of the Philippines" na si Vivian Velez ang "Outfit of the Day" o OOTD na ibinahagi sa social media nina Kapuso actress Heart Evangelista at Kapamilya actress Maris Racal habang sila ay nasa New York, USA.

Si Heart, talaga namang designer outfit ang kaniyang suot habang si Maris naman, aminadong ukay-ukay o bili sa patok na wagwagan ang kaniyang suot. Ang ukay-ukay o wagwagan ay tindahan ng mga segunda manong damit, na kadalasan ay may mga branded pa at puwedeng-puwede pang gamitin, basta't lalabhan at lilinisin lamang maigi. Bukod dito, malaki ang matitipid dahil di hamak na mas mura ang presyo, at marami pang mapapakyaw.

"Heart's designer outfit in Paris vs. ukay ukay of Maris Racal in NYC," ayon sa caption ni Vivian.

"You don't have to buy expensive, you just need to look like one hahaha," aniya, na pinuri si Maris.

Tsika at Intriga

98% ng buhok, nalagas na; Doc Willie may mensahe sa kabataan, mga magulang

May mga netizen na sumang-ayon kay Vivian.

"Korek!"

"Maraming magaganda sa ukay-ukay at branded pa!"

"Nasa nagdadala lang 'yan."

"It’s how you wear it…"

Kung may mga pumabor, may mga netizen naman na tila hindi umano nagustuhan ang pagkukumparang ginawa ni Vivian. Bakit kailangan daw paghambingin ang dalawa gayong may magkaiba silang nakasanayang lifestyle. May mga tao raw na talagang nais ang designer outfit at afford naman, at may mga tao namang sanay sa ukay-ukay kahit na artista pa dahil ito na ang kinalakhan nila.

Tanong pa nila, mayroon ba siyang pinasasaringan?

"But some people just don't get the point. I did hit a nerve… oh well haha," aniya sa comment section.