Target ni Manila Mayor Honey Lacuna na mapagkalooban ang ‘best health care service’ o pinakamahusay na serbisyong pangkalusugan ang mga Manilenyo, hanggang sa taong 2030.

Kaugnay nito, inianunsyo rin ni Lacuna nitong Martes ang planong palawakin pa ang kanilang healthcare-related manpower, health providers, trainings at mga pasilidad nito upang higit pang makapagbigay ng pinakamahusay na serbisyong pangkalusugan sa mga residente.

Ayon kay Lacuna, na isang doktor, binibigyan niya ng prayoridad ang serbisyong pangkalusugan dahil naniniwala siya na ang malusog na populasyon ang susi sa pag-unlad ng lungsod.

Sinabi ng alkalde na ang mga umiiral na serbisyo sa 44 health centers na pinatatakbo ng pamahalaang lungsod, sa anim na distrito ng Maynila, ay unti-unting pinalalawak din upang upang mas lalong makatugon sa pagbibigay ng pangunahing pangangalagang pangkalusugan alinsunod sa itinatakda ng universal health care act.

Metro

Doktor, patay nang tikman umano ang inuming ipinadala ng pasyente

Aniya pa, hindi na kailangang dumiretso ng ospital ng mga residente kung simpleng checkup lang naman dahil kaya na ito sa mga health centers.

“Meron nang labs ang mga center. Pwede na magtungo doon para magpa-checkup. Magagaling din ang mga health center physicians and nurses natin,” pahayag pa ni Lacuna.

“Dun muna magpatingin at pag pwede na, gagawin sa health centers nang libre. Di na kailangang magsiksikan sa ospital dahil ang basic labs pwede na i-request, available na sa center,” dagdag pa niya.

Sinabi rin ni Lacuna na kailangan munang makita ang pasyente bago makakuha ng libreng lab at kung sino man ang nag-checkup sa kanya ay siya ring magsasabi sa pasyente kung anong uri ng lab services ang kakailanganin nila.

Nabatid na ang mga available na tests ay ang CBC, urinalysis, blood chem, FBS, BUN, creatinine, SGOT, SGPT, cholesterol, triglyceride at uric acid.

“Pag FBS ang test, dapat di ka kakain. Lab testing starts at 8 a.m. at dun na din magfa-followup to get the result of lab. Unti-unti ang pagpapalawak ng libreng serbisyo sa mga health centers,” ayon kay Lacuna.