Tatlong katao ang patay habang tatlong iba pa ang sugatan sa dalawang magkahiwalay na aksidente na naganap sa Antipolo City nitong Lunes, Agosto 8.

Batay sa inilabas na ulat ng Police Regional Office 4-A nitong Agosto 9, nakilala ang mga namatay na biktima na sina Nico Jesuitas, Maria Dimaligalig, at Renal Mosende Jr. habang ang mga sugatan naman ay nakilalang sina Tommy Dimaligalig, Edmon Carvajal, at Christian Rongales.

Sa report ng Antipolo City Police, nabatid na dakong alas-4:40 ng madaling araw ng Agosto 8 nang maganap ang unang aksidente sa Sumulong Highway malapit sa Green Land Subdivision, sa Brgy. Dela Paz, Antipolo City.

Minamaneho umano ni Mosende ang isang motorsiklo, angkas si Rongales at binabagtas ang bahagi ng Sumulong Highway sa Dela Paz village, nang bigla na lang madulas at sumemplang ang kanilang sasakyan sanhi upang kapwa sila tumilapon at bumagsak sa sementadong kalsada.

Metro

Doktor, patay nang tikman umano ang inuming ipinadala ng pasyente

Ang motorsiklo naman nila ay bumangga sa motorsiklong sinasakyan ng isang Kevin Guitoria.

Ang mga biktima ay kapwa isinugod sa pagamutan ngunit binawian rin ng buhay si Mosende.

Samantala, ang ikalawang aksidente naman ay naganap dakong alas-10:20 ng umaga sa Olalia Road, Brgy. dela Paz, Antipolo City.

Minamaneho umano ng isang Henry Martin ang isang Isuzu 6-wheeler closed van, nang mawalan ito ng preno habang tinatahak ang isang pababa at pakurbadang bahagi ng naturang kalsada patungo sa Marcos Highway.

Inararo ng naturang sasakyan ang salansan ng mga hollow blocks at 10 pang ibang behikulo sa lugar, kabilang ang motorsiklong minamaneho ni Tommy Dimaligalig, na angkas si Maria, at motorsiklong minamaneho ni Jesuitas, na angkas naman si Carvajal.

Dead on the spot si Jesuitas dahil sa matinding pinsalang tinamo sa ulo at katawan, habang namatay rin si Maria habang isinusugod sa Antipolo City District Hospital.

Arestado naman si Martin at nakatakdang sampahan ng kasong kriminal sa piskalya.