Umaapela si Department of Health (DOH) officer-in-charge Maria Rosario Vergeire sa publiko na mag-donate ng dugo upang mapanatiling sapat ang suplay nito sa mga blood centers at healthcare facilities sa bansa.
“Nananawagan tayo sa ating mga kababayan, doon sa ating mga volunteer blood donors, kung maaari po makapagbigay tayo para ma-sustena natin ang ating supply ng dugo sa ating bansa,” ayon kay Vergeire, sa panayam sa telebisyon nitong Lunes.
Ayon kay Vergeire, naapektuhan ang suplay ng dugo sa bansa dahil maraming tao ang ayaw lumabas ng kanilang tahanan bunsod na rin ng pandemya ng COVID-19.
Ito aniya ang dahilan kung bakit hiniling nila sa kanilang mga regular donors, gaya ng mga military personnel sa Philippine National Police (PNP) at Bureau of Fire Protection (BFP), na patuloy na mag-donate ng dugo.
Pinaigting rin aniya nila ang kanilang blood donation campaign at sa ngayon ay unti-unti na ring dumadami muli ang mga blood donors.
“Sa ngayon, unti-unti na ho uling nag-i-increase ang ating blood donors. Intensive po ang kampanya for blood donation natin ngayon so that we can provide ‘yung blood products na kailangan ng ating populasyon,” dagdag pa niya.
Una nang sinabi ng DOH National Voluntary Blood Services Program na ang mga maaaring maging volunteer blood donors ay yaong malulusog na indibidwal na nagkaka-edad ng 18 hanggang 65-taong gulang; mayroong pulse rate na nasa pagitan ng 60 hanggang 100 beats per minute; dapat na nasa 50 kilo ang timbang; may blood pressure sa pagitan ng 90 hanggang 160 (systolic) at 60 hanggang 100 (diastolic); at hemoglobin na nasa 125 g/L.