Nilinaw ni Sen. Robin Padilla ang konteksto ng kaniyang naging pahayag na “Sana hindi po one-sided ang ating prosekusyon” sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, matapos umano itong mabigyan ng iba’t ibang interpretasyon.
Sa inilabas na press release ng kaniyang tanggapan noong Miyerkules, Hulyo 22, sinabi ni Padilla na ang kaniyang pahayag ay hindi pagbatikos sa House prosecution panel kundi bahagi ng mas malawak na usapin tungkol sa fairness at patas na paglahok ng lahat ng may papel sa impeachment proceedings.
Ipinaliwanag ng senador na ang naging tanong niya sa pagdinig ay may kaugnayan sa kwalipikasyon ng mga testigo. Matapos sabihin ng prosekusyon na ang pagkakaroon ng conviction ay hindi awtomatikong dahilan para ma-disqualify ang isang witness, sinabi niyang sana ay hindi maging “one-sided” ang pagtingin sa usapin.
Ayon kay Padilla, agad niyang iniugnay ang puntong ito sa sitwasyon ng ilang senator-judge na may kinahaharap na kaso ngunit wala pang pinal na hatol. Aniya, kung kinikilala na ang isang witness ay hindi agad nadidiskuwalipika kahit may conviction, mas dapat umanong pag-aralan ang lahat ng legal na paraan upang makalahok ang isang senator-judge na wala pang conviction.
Binanggit din ng senador ang naging hiwalay na pahayag ni Mamamayang Liberal (ML) party-list Rep. at House prosecutor Leila de Lima na dapat isaalang-alang kung ilan lamang sa 24 senator-judges ang aktuwal na makaboboto, lalo na ang mga nasa detensiyon at hindi pinapayagang dumalo ng korte.
Ayon kay Padilla, sinabi rin ni De Lima na maaaring gamitin ang prinsipyo sa kasong Avelino v. Cuenco upang matukoy ang tinatawag na functional base sa pagkukuwenta ng kinakailangang two-thirds vote para sa conviction. Sa ilalim ng ganitong pananaw, kung hindi lahat ng 24 senator-judges ay aktuwal na makakalahok, maaari ring magbago ang bilang ng boto na kakailanganin upang magkaroon ng hatol.
Dahil dito, sinabi ni Padilla na ang kaniyang paggamit ng salitang “one-sided” ay tumutukoy sa pangangailangang maging pareho ang pamantayan sa pagtalakay sa mga witness at senator-judges pagdating sa kanilang partisipasyon sa impeachment proceedings.
Nilinaw rin ng senador na hindi niya sinasabing pareho ang legal na batayan para sa isang witness at isang senator-judge dahil magkaiba ang kanilang papel at ang mga batas na sumasaklaw sa kanila. Gayunman, iginiit niyang dapat manatiling pareho ang pangunahing prinsipyo ng pagiging patas.
Ayon pa kay Padilla, hindi niya hinihiling na suwayin o balewalain ang anumang utos ng korte kaugnay ng mga senator-judge na nasa detensiyon. Sa halip, nais niyang maubos muna ang lahat ng legal at procedural na hakbang, kabilang ang paghingi ng pahintulot sa korte o pagsasagawa ng kinakailangang aksiyon ng Senado, bago tuluyang pag-usapan ang posibilidad na hindi sila maisama sa magiging basehan ng botohan.
Para sa senador, mahalagang matiyak na mabibigyan ng pagkakataong gampanan ng lahat ng senator-judges ang kanilang tungkulin hangga’t pinahihintulutan ng batas, dahil ang hindi paglahok ng isa ay maaaring magkaroon ng epekto hindi lamang sa kanyang boto kundi maging sa kabuuang magiging resulta ng impeachment trial.
Maki-Balita: Banat ni Senator-Judge Robin: 'Sana hindi one-sided ang ating prosekusyon!'