Isang personal na pagbabahagi sa kaniyang struggles bilang isang plus-size na indibidwal ang matapang na laman ng isang post ni Ryan Reyes o mas kilala bilang si Ninong Ry sa social media kamakailan.

Sa isang mahabang Facebook post kamakailan, ibinahagi ng sikat na online cooking master ang pinagdadaanang struggle bilang bahagi ng plus-size community.

“Buong buhay ko, nag struggle ako sa mga bagay na isusuot ko. Ang hirap humanap e. Bilang isang lalaking mataba, wala gaanong choices talaga 'pag sa mall ka namimili kaya sa mga nagtatanong bakit iisa palagi ang suot ko, eto ang dahilan,” pagbubunyag ni Ninong Ry.

“Ang sakit nung may makikita kang magandang damit only to find out na XL lang ang biggest size nila or yung XXL naman nila e maliit pa din. Ang lakas sumira ng confidence nun. Kaya pag nakahanap ako ng damit na ok ang fit sakin at komportable ako, bibili na ako ng ilan para yun na lang ang isusuot ko. ‘Di na ‘ko magpapalit,” dagdag niya.

Ginang, na-swipe wrong sa dating app; na-scam ni 'Mr. Right' ng higit <b>₱</b>100K

Aniya pa, lalo pa nilang pasanin “ang walang katapusan na pangbobody shame ng mundo sayo ng mundo.”

Gamit ang kaniyang malawak na impluwensiya, isang nakakaantig na mensahe naman ang iniwan ng online personality sa kaniyang komunidad.

“Hindi ko kayang sabihin sayo kung saan makakakuha ng confidence. Hanggang ngayon paminsan minsan hinahanap ko pa din yun e. Basta tol, ramdam kita.

“Sabay sabay tayong mangarap na sana sa lifetime natin, matutunan ng tao na hindi tingnan ang mga tulad natin na may halong pandidiri o katatawanan. For now, piliin na lang nating mahalin ang sarili natin. Kung feel mo gwapo o maganda ka today, ipagsigawan natin! Minsan lang naman diba?” ani Ninong Ry.

Sa kaniyang pagtatapos, kabutihan ang paalala ng online star sa pagtugon ng kapwa niya plus-size na indibidwal na tampulan pa rin ng diskriminasyon.

“Hindi kasi tayo yung mga taong kailangang lumait ng iba para magka confidence eh. Baka sila ganun. Hayaan na natin. Siguro kasi, ang tunay na gwapo e yung hindi kailangang mang baba ng tao para umangat ang sarili nilang estado. Stay chubby, mga inaanak!”

Mayroong mahigit 5.6 milyong followers si Ninong Ry sa Facebook.

Kaya naman, libu-libo positibong komento at pagpapalakas ng loob at kumpiyansa ni Ninong Ry ang bumuhos sa kaniyang post.

Umabot na sa mahigit 60,000 reactions ang mensahe at paglalahad ng online personality sa pag-uulat.