Bukod sa patuloy na paglobo ng kaso ng coronavirus disease 2019 (Covid-19), dumadami na rin ang tinatamaan ng typhoid fever at tigdas sa bansa.

Ito ang isinapubliko ng Private Hospitals Association of the Philippines, Inc. (PHAPI) sa Laging Handa public briefing nitong Lunes.

Ipinaliwanag ni PHAPI president Dr. Jose Rene de Grano, ang bilang ng mga tinukoy na sakit ay karaniwang tumataas sa pagsapit ng Hulyo hanggang Setyembre.

“Kasi nandito tayo sa third quarter na tinatawag natin. Usually, sa mga hospitals itong third quarter diyan tumataas ang mga sakit at mga viral infections. Katulad ngayon tumataas ang dengue, minsan typhoid fever, measles, at trangkaso nagkasabay-sabay po iyon,” anito.

Probinsya

Ash falls dulot ng bulkang Kanlaon, naranasan sa ilang bahagi ng Negros Occidental

Ang typhoid fever o tipus aniya ay kagagawan ng bacterium na nasa tubig. Kapag ang tubig ay nainom, dito na magsisimula ang tipus. 

Karaniwang ang mga tao na kumukuha ng inuming tubig sa ilog o balon ang nagkakaroon ng tipus.

Ang mga sintomas ng tipus ay ang mataas na lagnat, pananakit ng ulo, kasu-kasuan, tiyan, lalamunan at pagdurugo ng ilong. Makararanas din ng pagkauhaw, pagdudumi na may kahalong dugo at pagkakaroon ng rashes sa tiyan at dibdib.

Ang iba pang kumplikasyon nito ay pneumonia, acute hepatitis, cholecystitis, meningitis, tissue abscesses, endo­carditis at kidney inflammation. Ang mga kumplikasyong ito ay maaaring ikamatay.

Kaugnay nito, umapela si De Grano sa publiko na sumunod pa rin saminimum health protocols upang maiwasang dapuan ng sakit.