Hinatulang makulong ng hanggang apat na taon ang isang dating alkalde ng Zamboanga del Norte kaugnay ng pamamalsipika ng dokumento kaugnay ng pagbili ng isang sasakyan noong 2011.

Sa 30 pahinang desisyon ng Sandiganbayan, napatunayang nagkasala ang dating mayor ng Labason sa Zamboanga del Norte na si Carlos Wilfredo Subido Balais sa kasong falsification of a public or official document.

Bukod sa hatol, pinagmumulta rin ng ₱10,000 si Balais.

Sa rekord ng kaso, naglabas ng Notice of Award si Balais pabor sa Oro Cars Display Center at pumirma rin ito ng isang purchase order para sa pagbili ng isang sasakyan.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Sinabi ng anti-graft court, pinalalabas ni Balais na tinanggap na ang alok o bid ng Oro Cars na aabot sa ₱960,000 kahit walang naganap na public bidding.

“After a careful review and appreciation of facts and evidence presented, the Court finds that there was actually no public bidding conducted for the procurement of the subject vehicle,” ayon sa hukuman.

Tumestigo rin sa korte ang may-ari ng Oro Cars Display Center na si Paz Tawi na nagsabing hindi nagkaroon ng bidding at nagkaroon aniya ito ng pribadong transaksyon kay Balais.

Tinuruan din umano ito ni Balais na sabihing nagkaroon ng bidding kung tatanungin ito.

Hindi rin aniya tumanggap ng bayad ang Oro Cars Display Center dahil hind ito nakapagtransaksyon sa local government ng Labason.

“Evidently, all of these were just part of accused Balais’ scheme to profit from the said sale.In this case, the Court is convinced that the guilt of accused Balais was proven beyond reasonable doubt… the moral certainty required in the criminal cases has been adequately satisfied,” ayon pa sa hukuman