Inilabas na ang listahan ng mga nominadong personalidad at pelikula para sa 70th Filipino Academy of Movie Arts and Sciences Awards o FAMAS para sa taong 2022.

Bukod sa mga natatanging artista at pelikulang pararangalan, magkakaroon din ng paggawad sa mga espesyal na personalidad na katangi-tangi sa kanilang larangan. Kabilang na riyan si Senadora Imee Marcos para sa parangal na "FAMAS Exemplary Award for Public Service". "Outstanding Public Service Award" din ang matatanggap ni Christopher De Venecia.

'Dao Ming Si' ng Las Piñas City, may mensahe sa mga nalito

Si Senador Jinggoy Estrada naman ang makatatanggap ng parangal na "FPJ Memorial Award" at 'FAMAS Presidential Award" naman para kay Congressman Patrick Michael Vargas ng Quezon City.

Pararangalan din sina Superstar Nora Aunor at premyadong manunulat na si Ricky Lee bilang "FAMAS Natatanging Alagad ng Sining". Kamakailan lamang ay itinanghal na sila bilang mga Pambansang Alagad ng Sining sa Pelikula, bago pormal na matapos ang termino ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Igagawad din kay Ate Guy ang "Susan Roces Celebrity Award".

"FAMAS Hall of Fame Award" naman ang matatanggap ni Allen Dizon dahil sa kaniyang mga panalo bilang Best Actor, Jess Navarro para sa Best in Editing.

"German Moreno Youth Achievement'' awardees naman ang social media personalities na si Niana Guerrero at ang kaniyang half-brother na si Ranz Guerrero.

Ang film producer naman na si Moira Lang ang makatatanggap ng "Dr. Jose R. Perez Memorial Award". Ang kolumnista at publisher naman na si Renz Spangler ang mabibigyan ng "Angelo 'Eloy' Padua Memorial Award for Journalism.

Inilabas na rin sa opisyal na Facebook page ng FAMAS ang mga nominadong personalidad at pelikula sa iba't ibang kategorya.

Magaganap ang 70th Annual Awards Night sa newly revived Metropolitan Theatre sa darating na Hulyo 30, 2022.