Ibinasura ng Department of Justice-Office of the Provincial Prosecutor ang mga kasong Frustrated Murder at Attempted Murder na isinampa ni Infanta Mayor Filipinas Grace America laban kay Vice-Mayor Lord Arnel Ruanto at sa limang iba pa kaugnay ng pananambang sa alkalde noong Pebrero 27, 2022.

Sa 10 pahinang resolusyon ng panel of prosecutors na inaprubahan ni Provincial Prosecutor Rodrigo Domingo nitong Hunyo 27, pinapawalang-saysay ang mga naturang kaso laban kina Vice-Mayor Ruanto at limang kasama nito--sina Gilbert Pacio, Ereberto Escueta, Joraffin Fortunato Plantilla, Bobby Vargas at Ronil de Guzman Nolledo dahil sa kakulangan ng sapat na batayan.

Nag-ugat ang kaso matapos ambusin at tangkaing patayin si America, kasama ang driver na si Alvin America at close aide na si Virgie Borreo sa Rizal St. Brgy. Poblacion 1 habang sakay ng sports utility vehicle matapos magsimba noong Pebrero 27, dakong 11:45 ng umaga.

Sugatan ang alkalde sa insidente at kaagad na isinugod sa ospital at inilipat sa Medical City sa Metro Manila. Hindi nasugatan ang dalawa niyang kasamahan.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Matapos makalabas sa ospital, nagsalita si America at sinabing pulitika ang motibo sa tangkang pagpaslang sa kanya. At sa kanyang pagbabalik sa munisipyo, ipinagharap ni America ng kasong frustrated murder ang katunggali niya sa pulitika na si Escueta at limang iba pa sa Office of the Provincial Prosecutor, Infanta District Office kahit hindi pa umano lumalabas ang opisyal na resulta ng imbestigasyon ng mga awtoridad.

Sa kanyang salaysay, inakusahan ng alkalde sina Escueta at Ruanto bilang mastermind sa pananambang.

Nakuha naman ng Infanta Municipal Police Station ang sinumpaang salaysay mula sa tatlong testigo na naging dahilan ng pagkakakilanlan ng mga nasabing suspek.

Gayunman, pinawalang-saysay ito ng piskalya at sinabing iisa ang tinutukoy ng mga saksi sa pamamagitan ng mga circumstantial evidence na hindi sapat na batayan upang sampahan ng kaso ang mga inirereklamo.