Buo ang loob na inamin ng award-winning actress na si Gina Pareño na isa siyang miyembro ng LGBTQIA+ community, at nakarelasyon niya ang dating aktres na si Nenita Vidal, na nakilala rin bilang si "Doctor Bong".

Naganap ang di inaasahang direktang pag-amin ng 75 anyos na batikang aktres sa vlog ni Ogie Diaz nitong Lunes, Hulyo 18.

Nagkaroon muna ng pasakalye tungkol sa kung gaano ka-espesyal ang yumaong si Doktor Bong kay Gina bago nakarating sa tanong na, kung proud ba niyang sasabihing miyembro siya ng LGBTQIA+ community.

"Oo. Bakit? May problema?" diretsahang tanong ni Gina, na pumapatungkol sa mga netizen na tiyak na magtataas ng kilay sa kaniya.

Tsika at Intriga

Jude Bacalso, nanindigang valid complaint pagtawag ng 'Sir' sa kaniya ng waiter

Emosyunal na ibinahagi ni Gina na malaki ang utang na loob niya kay Doktora Bong. Nagkakilala sila dahil tagahanga raw niya ito noon pa man, hanggang sa nagkausap at naging magkapalagayang-loob.

"Napapanood pala niya ako. So, gusto na niya ang arte ko, ganun-ganun, naging close ako sa kaniya," paliwanag ni Gina.

Malaki raw ang naging impact ng karelasyon sa kaniyang buhay. Tinuruan daw siya nito kung paano ang tamang pagkilos, at kung paano makakaiwas sa droga, matapos malulong sa ipinagbabawal na gamot noong kabataan niya.

Kuwento pa ni Ogie, noong magkasama pa sila sa mga taping ni Manay Gina, kapag umuuwi na ito ay lagi nitong bitbit ang urn na kinalalagyan ng na-cremate na labi nito at ipinagmamalaki sa lahat.

Naniniwala si Gina na "lucky charm" sa kaniya ang mga alabok ni Doktora Bong. Ngayon daw, inilalagay niya ito sa loob ng kaniyang bra, sa tapat mismo ng kaniyang puso.

Natawa pa nga ang aktres nang sabihing maaaring iniisip noon ng iba na 'naloloka' na siya dahil bitbit niya ang urn ni Dra. Bong.

Sarado na raw ang puso ni Gina at "pack up" na siya sa usaping pag-ibig. Malalaki na rin ang mga anak niyang sina Raquel at Michael na siyang umaalalay sa kaniya ngayon.

Miss na miss na umano ni Gina ang pagbabalik sa pag-arte, kaya nanawagan siyang sana ay bigyan pa ulit siya ng pagkakataon upang maipamalas ang husay at brilyo.

Basahin: https://balita.net.ph/2022/07/19/gina-pareno-naiyak-mahal-na-mahal-ang-pag-arte-nanawagang-bigyan-siya-ng-proyekto/">https://balita.net.ph/2022/07/19/gina-pareno-naiyak-mahal-na-mahal-ang-pag-arte-nanawagang-bigyan-siya-ng-proyekto/

Ngunit sa latest interview ng Philippine Entertainment Portal kay Gina ngayong Hulyo 19, nilinaw niyang hindi siya tomboy kundi babae pa rin; first time lamang daw niyang pumatol sa isang tomboy, at true love daw ang naramdaman niya para sa yumaong karelasyon.