CAGAYAN - Nasagip ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang 19 na pasahero at apat na tripulante matapos pumalya ang dalawang bangkang sinasakyan sa karagatang bahagi ng Barangay Dadao, Calayan kamakailan.

Kabilang sa nailigtas ang 10 pasahero at dalawang tripulante ng MB Nicole at siyam na pasahero at dalawa ring tripulante ng MB Jay Ann.

Sa pahayag ng PCG-Calayan, nakatanggap sila ng tawag ng isa sa pasahero ng MB Jay Ann na si Jobert Arirao, 29, taga-Brgy. Dadao, Calayan, dahil papalubog na ang sinasakyan nilang bangka.

Nang respondehan, nasalubong na ng search and rescue team ng PCG ang ilang pasaherong sakay ng isang bangkang nakasagip sa kanila, patungong dalampasigan.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Sinabi pa ng PCG, matagumpay nilang nasagip ang ilang pasahero at tripulante ng isa pang bangkang pumalya ang makina.

Kaugnay nito, nanawagan ang PCG sa mga opisyal ng barangay at may-ari ng mga bangka na huwag nang pumalaot kapag makaranas ng masamang panahon upang maiwasan ang kahalintulad na insidente.