Binuksan na ng Department of Education (DepEd) ang online application para sa Senior High School Voucher Program (SHS VP) para sa School Year 2022-2023.

Sa isang kalatas nitong Martes, sinabi ng DepEd na kinakailangan lamang ng voucher applicants na gumawa ng account sa Online Voucher Application Portal (OVAP) hanggang sa Hulyo 22, 2022.

Anang DepEd, ang deadline para sa pagsusumite ng aplikasyon ay hanggang sa Hulyo 29, 2022 lamang.

Ilalabas umano ng DepEd ang mga resulta ng aplikasyon sa Agosto 22, 2022, at ang mga kwalipikadong voucher applicants ay maaari nang magsimula ng voucher redemption sa mismong araw na iyon.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Nabatid na ang mga kinakailangang mag-aplay para sa programa ay yaong kabilang sa Category C o Grade 10 completers sa mga pribadong paaralan sa SY 2021-2022 na hindi mga ESC grantees at kabilang sa Category D o yaong Grade 10 completers na nakakumpleto ng Grade 10 bago ang SY 2021-2022 ngunit hindi mas maaga sa 2016 at hindi pa nakapag-enroll para sa Grade 11.

Kailangan ring mag-aplay para sa programa yaong kabilang sa Category E o yaong mga completer ng Alternative Learning System (ALS) na pasado sa Accreditation and Equivalency (A&E) Test para sa Junior High School level nang hindi mas maaga sa 2016 at hindi pa naka-enroll sa Grade 11, o mga ALS completer na pasado sa Presentation Portfolio Assessment ng SY 2021-2022.

Kinakailangan ring mag-aplay ang kabilang sa Category F o yaong mga mag-aaral na nakapasa ng PEPT o Philippine Educational Placement Test para sa Grade 10 na hindi mas maaga sa 2016 at hindi pa nakapag-enroll para saGrade 11 o kukuha ng PEPT sa SY 2022-2023.

Samantala, awtomatiko namang kuwalipikado na, at hindi na kailangang mag-aplay pa para sa SHS Voucher Program yaong kabilang sa Category A o yaong mga mag-aaral na nakumpleto ang Grade 10 sa SY 2021-2022 sa mga public schools at Category B o yaong mga mag-aaral na nakumpleto ang Grade 10 sa SY 2021-2022 sa mga private schools na grantees ng Educational Service Contracting (ESC).

Para sa iba pang mga detalye at mahahalagang anunsyo tungkol sa SHS VP Application, ang mga aplikante ay maaaring bumisita sahttps://ovap.peac.org.pha at iba pang official platforms ng DepEd at PEAC.

Una nang itinakda ng DepEd ang pagsisimula ng SY 2022-2023 sa Agosto 22, 2022 at nakatakdang magtapos sa Hulyo 7, 2023.