Ipinagtanggol ng showbiz columnist na si Cristy Fermin ang aktres na inuulan ngayon ng kritisismo na si Ella Cruz, matapos ang kontrobersiyal na pahayag nito hinggil sa kasaysayan.

Natanong kasi si Ella sa isang panayam kung ano ba ang natutuhan niya sa pagganap bilang "Irene Marcos" sa pelikulang "Maid in Malacañang."

"History is like tsismis. It is filtered and dagdag na rin, so, hindi natin alam what is the real history. Andoon na iyong idea, pero may mga bias talaga… As long as we're here alive at may kanya-kanyang opinion, I respect everyone's opinion," saad ng actress-dancer.

Naging trending sa Twitter ang pangalan ni Ella Cruz dahil sa kaliwa't kanang batikos na natanggap niya dahil dito. Nagbigay na rin ng saloobin dito ang mga historyador at kapwa celebrities.

Tsika at Intriga

Sue Ramirez, inurirat sa viral pictures nila ni Dominic Roque

Pati ang iba't ibang party-list gaya ng Gabriela, Kabataan, at ACT Teachers ay nagsalita na rin tungkol dito. Sana raw ay maibalik na ang pagtuturo ng kasaysayan ng Pilipinas sa hayskul, na matagal nang inalis dahil sa K to 12 Curriculum.

Ayon sa isang episode ng entertainment vlog/radio program ni Cristy na "Cristy Ferminute" kasama si Romel Chika, wala siyang nakikitang mali o masama sa mga sinabi ni Ella.

"Ginagamit ko nga ‘yan eh pagka-New Year’s resolution. ‘Ano ang New Year’s resolution mo?’ ‘Ay naku, it’s like history, it repeats itself,” ani Cristy sa kaniyang co-host.

“Ang ganda naman ng pagkasabi ni Ella, ‘di ba? Minsan may tinatanggal, minsan may idinaragdag at depende po sa pananaw ng nagbibigay ng interpretasyon kung may bias o wala."

Pumabor naman kay Cristy si Romel Chika. Giit nito, hindi naman sinabi ni Ella na ang history ay tsismis kundi "like tsismis" o paghahambing sa history at tsismis. Ayon sa ibang mga nagpaliwanag nito, ang ginamit na figure of speech o tayutay ni Ella ay "simile" o "pagtutulad".

Ang nangyayari daw ay tila nagiging promosyon na rin ito para sa nalalapit na pagpapalabas ng pelikula.

Samantala, hanggang ngayon ay wala pang tugon, reaksiyon, o opisyal na pahayag ang kampo ni Ella Cruz tungkol dito.