Isa sa mga paksa ng showbiz chikahan nina Cristy Fermin, Romel Chika, at Morly Alinio sa kanilang entertainment vlog na "Showbiz Now Na" nitong Hunyo 27 ay ang anak nina Megastar Sharon Cuneta at outgoing Senator Kiko Pangilinan na si Frankie o 'Kakie' Pangilinan.

Hindi raw paawat ang mga Marcos loyalist sa sinabi ni Kakie sa tweet na "Pls consider 99.99% of my past tweets null and void, I am simply no longer that person. I invoke the age old rule that people are allowed to change."

Sabi raw ng BBM supporters, ganoon na lamang daw ba iyon? Matapos daw niyang magbitiw ng masasakit na mga salita laban kay President-elect Ferdinand 'Bongbong' Marcos, Jr.

“Saka yung sinabi niyang pinakamabigat na, ‘Hinding-hindi ko matatanggap na Marcos pa rin ang apelyido ng magiging pangulo ng bayang ito, never-ever!'" dagdag ni Cristy.

Tsika at Intriga

Jude Bacalso, nanindigang valid complaint pagtawag ng 'Sir' sa kaniya ng waiter

“Ganoon na lang? Pinakain mo ng masama, nagsalita ka ng pagkasakit-sakit ganoon na lang? Basta tatanggapin mo yung salita mong null and void ang binitiwan mong salita?” himutok daw ng mga netizen na tagasuporta ni PBBM.

May mga nagtatanong pa raw kung bakit nasa Pilipinas pa siya at hindi lumayas ngayong nanalo si BBM. In fairness naman daw, wala siyang narinig na ganitong pahayag na sinambit ni Kakie.

Pagtatanggol naman ni Morly, walang karapatan ang sinumang magpalayas sa isang tao sa sarili niyang bansa, lalo na kung wala naman itong ginagawang masama.

Bagay na sinang-ayunan naman ni Cristy, ngunit aniya, nakagugulat lamang daw at hindi inaasahan ng madlang pipol ang mga binitiwang masasakit na pahayag ni Kakie, lalo't may pinanghahawakan siyang pangalan ng mga magulang.

Pati raw tuloy hitsura niya ay nalalait na. Nabanggit ni Cristy na may isang matandang vlogger daw na nagkumpara kay Kakie at ina nitong si Megastar. Hindi raw ganito si Megastar noon. Kung maganda raw ang kaniyang ina, siya naman daw ay kinulang ng ganda.

Iniwan naman ni Cristy sa mga manonood ang paghuhusga sa sitwasyon. Pero hangad ng showbiz columnist, kagaya raw ng sinasabi ni PBBM, sana raw ay magkaisa na ang lahat.

Wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag si Kakie o maging ang mga magulang niya tungkol dito.

Panoorin ang kabuuan ng vlog sa YouTube channel ng "Showbiz Now Na":