Usap-usapan ngayon ang latest Instagram post ni Miss Universe Philippines 2020 at Kapuso actress Rabiya Mateo matapos niyang ipakita ang kaniyang glow-up photo na may cryptic caption.
Pinasalamatan ni Rabiya ang kaniyang glam team na nasa likod ng kaniyang photoshoot.
"Hi! Ako pala yung sinaing mo. Joke!" saad ni Rabiya sa kaniyang caption.
Sabi ng mga netizen, ang hirit na ito ay mula sa "Ako nga pala yung sinayang mo."
Nakisakay naman dito si Miss Universe Philippines 2014 at Eat Bulaga host na si MJ Lastimosa.
"Lika inorder na kita," sey ni MJ.
Tumugon naman dito si Rabiya, "With extra rice?"
Sa comment section, tila nangantiyaw naman ang mga netizen tungkol kina MJ at Rabiya, na bagay raw silang dalawa, lalo't nauuso ngayon ang "Girl Love" o GL Series.
Samantala, hanggang ngayon ay tikom pa rin ang bibig ni Rabiya tungkol sa tunay na estado ng relasyon nila ni Kapuso actor Jeric Gonzales. Hindi nakaligtas sa mata ng mga Marites na nag-unfollow sila sa isa't isa sa Instagram.
Makalipas nito, nagbura ng kaniyang mga IG posts si Jeric at ang itinira na lamang ay ang promosyon nito ng "Start Up Philippines".
Hindi na rin makikita ang mga litrato o video ni Jeric sa IG ni Rabiya.
May mga kumakalat na espekulasyong nag-ugat daw ang away-bati ng dalawa sa mga kumalat na litrato ni Jeric na may katukaang lalaki.
Pagtatanggol naman ng mga tagahanga ni Jeric, screengrab lamang ito mula sa indie film na ginawa ng Kapuso actor.
Hanggang ngayon, wala pang paglilinaw sa kampo nina Jeric at Rabiya tungkol dito.