Patay ang apat na mangingisda at isa pa ang naiulat na nawawala matapos tumaob ang kanilang fishing boat sa karagatan ng Bataan kamakailan.

Kinikilala pa ng mga awtoridad ang apat na namatay. Inaalam pa rin ng pulisya ang pagkakakilanlan ng isa pang nawawalang mangingisda.

"Nag-verify ako, mayroon pa palang isang istasyon natin kung saan doon naka-receive ng report. 'Yun po 'yung nandun sa parteng Mariveles, 'yun nga 49 na katao, 4 'yung namatay pagkatapos meron pang 1 missing," sabi ni Regional Maritime Unit 3 public information officer, Police Lt. Mariel Cuizon nang kapanayamin sa telebisyon nitong Linggo.

Naiulat na naglayag ang 49 na mangingisda mula sa Nasugbu, Batangas nitong Hunyo 22.

Probinsya

72-anyos, pinalo ng dumbbell sa ulo ng kaniyang misis na may mental disorder

Kinagabihan ay sinalubong umano sila ng malakas na ulan at hangin sa bahagi ng Bataan at pagsapit ng madaling araw ng Hunyo 23 ay tumaob na ang kanilang bangka.

Karamihan sa mga ito ay nagpalutang-lutang hanggang sa mailigtas sila ng ibang mangingisda dakong 8:00 ng umaga.

Sa pahayag naman ng isa sa mga rescuer na si Joshua Añonuevo, apat sa mga mangingisda ang patay na nang maisakay nila pauwi sa Batangas habang pinaghahanap pa ang isa sa kanilang kasamahan.

Kaugnay nito, pinaalalahanan ng pulisya ang mga mangingisda na iwasang lumayag kapag masama ang panahon upang hindi na maulit ang insidente.