Talo man ang kaniyang inendorsong kandidato noong nakaraang halalan ay masaya pa rin ang multimedia star na si Nadine Lustre na magpapatuloy sa kaniyang serbisyo-publiko si outgoing Vice President Leni Robredo.

Ilulunsad ni Robredo sa darating na Hulyo ang aniya’y pinakamalaking volunteer network sa kasaysayan ng bansa sa pamamagitan ng “Angat Buhay,” isang non-government organization (NGO).

Ang inisyatiba ay isang programa ni Robredo sa kaniyang tanggapan na palalawakin sa pamamagitan ng mga nabuong Robredo People’s Council (RPC) sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Samantala, inamin naman ng multimedia star na si Nadine na hindi rin niya agad natanggap ang resulta ng halalan bagaman iginagalang nito ang desisyon ng nakararami.

Pelikula

PANOORIN: Official teaser ng 'Isang Himala,' inilabas na!

“I was also a bit disappointed. It took me a while before I got to like accept it just because of course she is someone that you believe in," saad ni Nadine sa midya, Martes.

Dagdag niya, “She is who you were rooting for, di ba? I mean, I’m very respectful with everyone’s decisions but siyempre, everyone was so invested in it and it’s like mixed energies from everyone else and all the people around me who believe in the same candidate as me.”

Gayunpaman, masaya ang aktres sa pasya ni Robredo na magpatuloy sa kaniyang serbisyo-publiko sa pamamagitan ng Angat Buhay.

“Grabe ‘yun. Naalala ko nung election I was nervous for a couple of days before and after so it was really stressful but at the end of the day I guess it is what it is but I’m really happy that Madam Leni is not taking a break.”

Nananatili namang suportado ng aktres si Robredo.

Matatandaang isa si Nadine sa pinakamaningning na celebrities na hayagang nag-endorso sa kandidatura ni Robredo at running mate nitong si outgoing Sen. Kiko Pangilinan.

Parehong natalo ng UniTeam tandem ng ngayo’y President-elect Bongbong Marcos Jr. at Vice President-elect Sara Duterte ang Leni-Kiko tandem.