Iniimbestigahan na ngayon ng pulisya at militar ang umano'y pagpapakamatay ng isang Philippine Army (PA) official na naiulat na nagbaril sa sarili matapos na barilin at mapatay ang isa ring kasamahang opisyal sa loob ng kanilang kampo sa Pili, Camarines Sur nitong Sabado.

Sa panayam sa telebisyon, kinilala ni PA spokesperson Col. Xerxes Trinidad ang suspek na si Capt. Martin Anosa, Jr. habang ang biktima ay nakilalang sii Maj. Garry Masedman, kapwa nakatalaga sa 5th Finance Service Field Office (FSFO) ng 9th Infantry Division sa Camp Weene Martillana.

Kapwa binawian ng buhay sina Anosa at Masedman dahil sa tama ng bala ng baril sa katawan.

Sugatan din sa insidente si Sgt. Manuelo Colico, Jr, disbursement non-commissioned officer at nakatalaga sa FSFO.

Probinsya

72-anyos, pinalo ng dumbbell sa ulo ng kaniyang misis na may mental disorder

Ayon kay Trinidad, makikipagtulungan sila sa pulisya sa pag-iimbestiga sa kaso. Magsasagawa rin aniya ng pagsisiyasat ang militar sa kaso.

Layunin aniya ng pagsisiyasat na alamin ang motibo sa pamamaslang.

Naiulat na bago ang insidente ay nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ni Anosa at ng kasintahan nito sa hindi mabatid na dahilan sa loob ng kampo, dakong 1:30 ng madaling araw ng Sabado.

Sa gitna ng pagtatalo, humingi umano ng tulong ang babae sa biktima.

Gayunman, nakita ni Anosa ang kasintahan habang kausap si Masedman na agad niyang binaril.

Binaril din ni Anosa si Colico na nakita niya sa lugar.

Dead on arrival sa ospital si Masedman habang si Colico ay nakaligtas na sa insidente.

Matapos ang pamamaril, tumakas ang suspek at nakita na lamang na nakahandusay sa loob ng kanyang quarters at may tama ng bala sa katawan. May teorya ang pulisya na nagpakamatay si Anosa.