Dalawang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) ang sumuko sa militar, kabilang ang isang namugot sa dalawang Canadian na hinostage sa Davao del Norte noong 2015.

Kinilala ni Joint Task Force (JTF)-Sulu commander, Maj. Gen. Ignatius Patrimonio, ang dalawa na sina Mujer Yadah, 55, at Ben Tatto, 41, kapwa naka-base sa Indanan, Sulu.

Sumuko ang mga ito sa mga sundalong nakatalaga sa Jolo nitong Biyernes, ayon kay Patrimonio.

“The ASG surrenderers also brought with them two M-16 rifles,” paliwanag ni Patrimonio.

Probinsya

72-anyos, pinalo ng dumbbell sa ulo ng kaniyang misis na may mental disorder

Aminado aniya si Yadah na naging kasapi ito ng ASG na pinamumunuan ni Majan Sahidjuan, alyas "Apo Mike” noong 2002, at sangkot sa insidente ng kidnappings for ransom, pambobomba at pamumugot sa dalawang Canadian noong 2016.

Ang dalawang Canadian aniya ay dinukot ng kanilang grupo, kasama ang isang Norwegian at isang Pinay habang nagbabakasyon sa isang resort sa Samal Island, Davao del Norte noong Setyembre 2015.

Sa salaysay aniya ni Yadah, mula nang mapatay si Sahidjuan noong nakaraang taon ay madalas nakaranas na sila ng pagkagutom at wala na rin umanong suporta sa kanila ang mga komunidad kaya napilitan na silang sumuko.