Hindi pa rin, at mukhang hinding-hindi makaka-move on ang fans kina James Reid at Nadine Lustre, o JaDine, dahil kahit may sari-sarili na silang tinatahak sa career at personal na buhay, umaasam pa rin silang magkakabalikan ang dalawa, hindi man bilang mag-jowa, kundi bilang tambalan.

Kamakailan kasi ay naispatang nagkita at nagkasama pa in one frame ang mag-ex sa ginanap na "Mega Ball" kung saan pareho silang imbitado. Hindi maiwasan ng mga tagahanga at tagasuporta ng JaDine (tawag sa loveteam nila) na manghinayang at ma-hopiang sana raw ay muli silang magsama sa isang proyekto, kung imposible nang magkabalikan sila bilang magkasintahan.

"Can't help myself but cry. Those hands," saad sa caption ng Facebook fan page na "Certified JaDine". Naglakip pa ito ng dalawang litrato nina James at Nadine noon at ngayon: ang isa, magkahawak pa sila ng mga kamay habang nakasuot ng formal attire.

Tsika at Intriga

Jude Bacalso, nanindigang valid complaint pagtawag ng 'Sir' sa kaniya ng waiter

James Reid at Nadine Lustre (Larawan mula sa FB/Certified JaDine via ABS-CBN Entertainment)

Pero ang pangalawa, ang kasalukuyan nila, na hindi na sila magkahawak pa ng kamay.

"Sobrang nalungkot ako, nasanay lang siguro ako sa dati. But yeah, it is what it is," saad pa ng admin ng fan page.

Sumegunda naman dito ang iba pang JaDine fans.

"Need na natin tanggapin na may iba-iba na silang buhay! Thank for keep posting about them and keeping this page even they're no longer together."

"JaDine forever ako! Same here. Sana naibalik ang dati nilang pagmamahalan."

"Seem weird to act like strangers when you've shared everything with each other for four years."

Nagsimula ang tambalang JaDine nang maging hit ang kanilang pelikulang "Diary ng Panget' hanggang sa nagtuloy-tuloy na ito. Nauwi na rin sa totohanan ang kanilang on-screen sweetness.

Pumatok din ang kanilang kauna-unahang teleseryeng "On The Wings Of Love" sa ABS-CBN.

Matapos ang apat na taon bilang magkasintahan ay tinuldukan na nga nina James at Nadine ang kanilang relasyon, noong Enero 2020, bagama't nagkakatrabaho pa rin sila dahil nasa ilalim ng music label ni James si Nadine.