Patay ang isang ginang nang i-hostage at pagsasaksakin ng kanyang mister dahil sa selos, sa loob ng isang bakery shop na nagsisilbi nilang tahanan sa Antipolo City, noong Sabado ng gabi.

Wala ng buhay ang biktimang si Vanessa Valiente, nasa hustong gulang, nang matagpuan ng mga otoridad habang kusang-loob namang sumuko ang suspek na si Jessie Valiente.

Ligtas at hindi naman sinaktan ng suspek ang kanilang 3-taong gulang na anak.

Batay sa ulat ng Antipolo City Police, dakong alas-7:27 ng gabi nang maganap ang krimen sa loob ng N.J Valiente Bakery Shop, na matatagpuan sa Purok 2, Zone 8, Cupang, Antipolo City, kung saan nakatira ang mag-anak.

National

Hontiveros sa pagsailalim kay Guo sa PNP custody: 'Napaka-iregular ng mga nangyayari'

Nauna rito, nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo ang mag-asawa nang sitahin ng mister ang ginang dahil madalas itong nakikitang may ka-text. 

Nagseselos umano ang lalaki dahil sa hinalang may ibang kinalolokohan ang asawa.

Dahil dito, ikinulong niya ang mag-ina sa loob ng bakeshop at nagbantang papatayin ang mga ito kung pipiliting buksan ang pinto.

Nang magawa namang mapasok ng mga otoridad ang bakeshop ay ligtas naman ang bata at kusang-loob nang sumuko ang suspek.

Bumulaga na rin sa mga otoridad ang bangkay ng biktima na tadtad ng saksak.

Kaagad nang ipiniit ang suspek na aminadong hindi naman siya sigurado sa ibinibintang sa kanyang asawa. 

Si Jessie ay sasampahan ng kasong pagpatay sa piskalya.