Pinayuhan ng Department of Health (DOH) nitong Sabado ang mga local government unit (LGU) na huwag lumihis sa mga ipinaiiral na coronavirus disease 2019 (Covid-19) health protocols.

Ang pahayag ay ginawa ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, kasunod ng pagpapahintulot ng Cebu provincial government sa mga residente na tanggalin na ang pagsusuot ng face mask kung nasa labas.

Sa kautusan ng pamahalaang panlalawigan, magsuot na lamang ng face mask kung nasa mga closed areas at kung nakararamdam sila ng sintomas ng sakit.

Sa isang public briefing, binigyang-diin naman ni Vergeire na dapat ay iisang rule o tuntunin lamang ang susundin ng bansa sa paglaban sa pandemya.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

“Kailangan lahat ng local governments, lahat tayo, iisa lang ang protocol na susundin natin. Kailangan sabay-sabay tayo and magtulong-tulong so that lahat tayo mapupunta tayo at maaatim ang new normal na sinasabi natin,” ayon pa kay Vergeire.

Aniya, ang mga bansang kaagad na nagtanggal ng kanilang face mask mandate ay muling nakaranas ng panibagong surge o pagdami ng mga bagong kaso ng COVID-19.

Dapat din aniyang maghintay muna ang Pilipinas na maging manageable na ang mga kaso ng sakit bago tuluyang payagan ang mga mamamayan na huwag nang magsuot ng face mask.