Pinasalamatan ni Senator-elect Robin Padilla ang mga tao at institusyong naging 'alas' niya sa pagkapanalo niya, at pagiging numero uno pa, sa pagkasenador, kabilang na ang maysakit at kasalukuyang nagpapagaling sa Amerika na si Queen of All Media Kris Aquino.

Sa kaniyang Facebook post Noong Hunyo 5, inisa-isa ni Robin ang mga tao at institusyong nakatulong sa kaniya sa kampanya, kagaya nina Pangulong Rodrigo Duterte, Vice President-elect Sara Duterte, Senador Bong Go, at si Kris nga.

"Noong nalaman namin ni Mariel na may sakit si Ms. Kris Aquino, hindi na kami bumitaw sa kaniya at ganoon din si Ms. Kris Aquino," ani Robin.

"Pinagluluto ni Mariel si Kris ng pagkain at kahit hirap si Kris sa intake ng solid na pagkain, she makes sure na well-appreciated ng buong pamilya niya si Mariel."

'Nagmamalinis?' Xian Gaza, pinabulaanan mga pahayag ni Maris!

"We became more closer than ever. Tumaas pa ang antas ng aming mga pinag-uusapan at pinagdidiskusyunan. Mas minulat pa namin ang isa't isa sa realidad pulitika at buhay."

Dagdag pa ni Robin, "Maraming nagtatanong at nagtataka kung bakit napakataas ng boto ko at kung paano ako nag-number one. Walang nakakaalam na may boto rin ako galing sa kampo ng mga Aquino."

Dito ay idinetalye na ng senador kung paano nakatulong si Krissy sa kaniyang pangangampanya. Kalagitnaan umano ng campaign period ay nag-alala si Kris sa resulta ng survey sa kaniya. Agad daw siyang tinawagan ni Tetay. Hindi raw tiningnan ni Kris na taga-UniTeam siya.

"Sabi ni Kris, tutulungan niya ko at ginawa niya kahit sinabi ko na baka makadagdag ng stress niya. Tinawagan niya mga matitinding governor, LGU officials at mga matataas na tao na may paggalang at malalim na pasasalamat sa mga Aquino. Hindi kailanman naging isyu sa kanya na UniTeam ako, nagtataka ang mga nakakausap niya kung bakit ako nilalakad sa kanila pero sinasagot lang niya ito ng basta please help Robin for me."

"Ngayon ay malinawan na rin ng mga naninira at inggit. Kung bakit ako nakakuha ng napakataas na boto," saad pa ni Robin.

Inisa-isa ni Robin ang mga pinagmulan ng boto niya.

"Bukod sa mine vote ni Mariel, Royal lumad/Indigenous vote, Muslim vote, Marcos loyalist vote, DDS vote, Katoliko vote, Kingdom of Jesus Christ vote, El Shaddai vote at Iglesia ni Kristo vote."

"Kris Aquino delivered the Aquino Vote for me."

"Maraming-maraming salamat Ms. Kris Aquino. Ang ating pagiging magkaibigan ay hindi naapektuhan ng pulitika bagkus ito pa ang nagbuklod sa atin."

"Hinding hindi kami makakalimot."

Ipinangako naman ni Robin na kapag nagka-VISA na siya patungong Amerika ay dadalawin nila ni Mariel ang kaibigan upang personal na magpasalamat sa kaniya.