Mukhang nagkaayos at nagkabati na ang showbiz columnist na si Ogie Diaz at ang kapatid ni Senator-elect Robin Padilla na si BB Gandanghari, nang magkita sila sa Amerika.

Pagsasalaysay ni Ogie sa kaniyang 'Showbiz Update,' naging posible ang kanilang pagkakabati dahil sa naging tulay nitong si Oliver Carnay, isang event organizer, talent manager, publicist at consultant na nasa Los Angeles, California, USA.

Naungkat kasi ni Mama Loi na co-host niya na kung sakaling magtungo nga sina Ogie at kaniyang pamilya sa USA ay kikitain ba niya si BB?

Bagay na ibinunyag na nga ni Ogie na talagang nakaplano na raw ito.

Tsika at Intriga

Jude Bacalso, nanindigang valid complaint pagtawag ng 'Sir' sa kaniya ng waiter

"Nagkita kami sa Yard House dito sa L.A. Kami ay nagkahuntahan. Nang magkita kami, nagyakapan kami. Wala nang ano. Walang sorry, walang ano. Yakapan,” kuwento ng showbiz columnist.

Halos dalawang oras daw silang nagtsikahan. Hiniling daw ni BB na wala na lamang camera nang mag-usap sila.

Sabi raw niya kay BB, "Hoy ha… tinitira mo ako… 'Ikaw, ano, ha, di naman kita tinitira.’”

Tugon naman daw ni BB, “Anong hindi, kinokontra mo nga lahat ng sinasabi ko.’”

"Sabi ko, ‘Kinokontra kita, pero hindi kita sinisiraan.’ Tapos sabi ni BB, nakakaaliw ding kausap si BB, ‘Eh sinabihan mo ako hindi ako sikat,’” natatawang kuwento ng talent manager,

"Sabi ko, ‘Ano ka ba, ako nga sinabihan mong bobo.’ Tapos tawanan lang kami nang tawanan. Alam mo 'yong ganoon, na parang na-miss namin ang isat-isa."

Nabanggit din ni Ogie na mukhang balak na raw umuwi ni BB ng PIlipinas ngunit kailangang maghanap ito ng raket doon. Nagprisinta umano si Ogie na siyang magiging ahente nito para sa mga proyekto. Baka sa susunod na mga araw ay mabalitaan na lamang na si Ogie na ang talent manager ni BB.

Hindi pa rin kumpirmado kung papayag si BB na magsagawa ng panayam sa YouTube channel ni Ogie.

Matatandaang nagsimula ang bangayan ng dalawa noong Setyembre 2020 dahil sa vlog ni BB kung saan binanggit niya ang romantikong engkwentro nila ng isang sikat na heartthrob, na nangyari daw noong 2001 sa US.

Isa sa mga namuna rito si Ogie. Gumanti naman si BB at tinawag pa si Ogie na 'sinungaling'.

Sa kasagsagan naman ng hiwalayan ng pamangking si Kylie Padilla sa estranged husband nitong si Aljur Abrenica noong Nobyembre 2021, nagbigay naman ng "unsolicited advice" si BB para sa dalawa.

“Keep your dirty linen in the washroom," aniya.

Bagay na kinomentuhan naman ni Ogie sa kaniyang vlog at pinayuhan din si BB na ipayo raw niya ito sa kaniyang sarili. Muli na namang naungkat ang isyung pinagtalunan nila.

Gumanti naman dito si BB at habang nagmamaneho siya, sinabihan niya si Ogie na "zero credibility" daw ito.

Basahin: https://balita.net.ph/2021/11/04/bb-gandanghari-sinupalpal-si-ogie-diaz-may-karapatan-daw-na-magpayo-sa-pamangkin/">https://balita.net.ph/2021/11/04/bb-gandanghari-sinupalpal-si-ogie-diaz-may-karapatan-daw-na-magpayo-sa-pamangkin/

Tumugon naman dito si Ogie at sinabing wala siyang poot o tampo sa kaniyang puso para kay BB.