Tapos na tapos na raw ang musuleo ng yumaong komedyanteng si Mahal o 'Noemi Tesorero' sa tunay na buhay, ayon sa update ng kapatid nitong si Irene Tesorero, na naninirahan sa Amerika.

Ayon sa ulat ng Philippine Entertainment Portal o PEP, taos-puso umano ang pasasalamat ng kanilang pamilya sa mga tagahanga at tagasuporta ni Mahal na siyang patuloy na nanonood sa mga content ni Mahal sa YouTube channel nito, kaya patuloy pa rin ang pagkita ng revenue na ipinampagawa naman sa musoleo nito, na tinatayang umabot daw ng ₱4.1M.

mahal mausoleum
Larawan mula kay Irene Tesorero via PEP

KC Concepcion, gumanda ang feeling nang magkasundo mga magulang

Pumanaw ang 46 anyos na komedyante noong Agosto 31, 2021 dahil umano sa Covid-19. Bago iyon, nauna munang yumao ang kaniyang ama noong Agosto 5, 2021, bagay na dinamdam umano ni Mahal dahil hindi niya man lamang nasilayan nang personal ang ama.

Magiging museo raw ng mga personal na gamit ni Mahal ang naturang musoleo.

Nilinaw rin ni Irene na wala raw ambag sa pagpapagawa ng musoleo ni Mahal ang ka-tandem at kaibigan nitong si Mygz Molino gayundin ang talent manager ng komedyante na si Jethro Carey.

Aniya sa panayam ng PEP, "Huwag 'nyo pong ipilit about Mygz. Wala po siyang itinulong diyan, kahit si Jethro. Uulitin ko, wala pong tulong silang dalawa, ito po ay galing sa fans."

Sa darating na Hunyo 2022 ay babalik umano sa Pilipinas si Irene upang ipalagak na ang urn na kinalalagyan ng na-cremate na mga labi ni Mahal. Ililipat din sa musoleo ang mga labi ng kanilang pumanaw na ama.

Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o komento sina Mygz Molino at talent manager na si Jethro Carey tungkol sa mga pahayag ni Irene.