Makararanas ng pag-ulan sa malaking bahagi ng Visayas at Mindanao dulot na rin ng low pressure area (LPA) na namataan sa Surigao del Sur.
Sa pahayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), inaasahan ang kalat-kalat na pag-ulan sa dalawang pangunahing isla sa bansa sa susunod na 24 oras.
"The LPA has a slim chance of developing into a tropical cyclone. However, it will cause cloudy skies and scattered rains over the Visayas and Mindanao," pahayag ni weather forecaster Aldczar Aurelio ng PAGASA nitong Lunes ng umaga.
Sinabi ng PAGASA, huling namataan ang LPA sa silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur. Gayunman, malulusaw din umano ito sa susunod na mga araw.
Binalaan din ni Aurelio ang publiko na maging alerto sa posibleng flashflood at landslide sa mga nabanggit na lugar.
PNA