SAN CARLOS CITY, Pangasinan – Patay ang isang 15-anyos na batang babae habang sugatan ang nakababatang kapatid na babae matapos silang tamaan ng kidlat sa Sitio Taew, Brgy. Cobol nitong lungsod noong Linggo, Mayo 15.

Kinilala ng Pangasinan Provincial Police ang nasawing biktima na si Joanna Domantay, Grade 8 student. Ang kanyang walong taong-gulang na kapatid na si Joyce, Grade 2 pupil, ay nasugatan.

Ayon sa ulat, nagdesisyon ang magkapatid na maligo sa ulan bandang alas-5 ng hapon, Linggo. Makalipas ang ilang minuto, tinamaan ng kidlat ang isang puno ng akasya malapit sa mga biktima.

Ang lumabas, tinamaan din ng kidlat ang dalawang dalaga. Agad na isinugod ang dalawa ng kanilang amang si Jessie Domantay sa Pangasinan Provincial Hospital sa Brgy. Bolingit, San Carlos City.

Probinsya

Pusa hinagis sa dagat para sa content; dalawang menor de edad, timbog

Si Joanna Domantay ay idineklarang dead on arrival ng attending physician habang ang isa naman ay nasugatan, ayon kay Staff Sergeant Ryan DC Sabangan, imbestigador sa kaso.

“Malakas ang ulan at ang mga bata ay labis na natuwa at naligo dahil na rin siguro sa sobrang init ng panahon sa Pangasinan, di naman inakala marahil na malakas ang kidlat at tatamaan din sila,” sabi ng isang residente.

Liezle Basa Inigo