Game na game na nagpasampol si Binibining Pilipinas contestant Herlene 'Hipon Girl' Budol kung paano siya sasagot sa ilang mahahalagang isyung panlipunan na posibleng maibato sa kaniya sa 'Question and Answer Portion' ng pageant.
Kumasa si Herlene sa Q&A challenge sa vlog ng magkarelasyong sina Apple at Aian sa kanilang YouTube channel na 'FAMngarap' noong Mayo 1.
Inamin naman ng komedyante na hindi pa siya masyadong nagsasanay para sa 'pautakan'.
"Teka lang, ha! Hindi pa ako masyadong nagtu-tutorial sa jutakan (utakan), kaya ngayon pa lang ako nag-start. Don’t expect too much muna,” ani Herlene.
Unang tanong sa kaniya ay kung sang-ayon ba siya sa pagsali ng mga transgender women sa mga beauty pageant sa Pilipinas.
"Pero para sa akin lang ‘to, ah, may pageant para sa kanila na kaya nilang mas panindigan o bigyan ng mas magandang laban, at ng hustisya yung pinaglalaban nila sa kanilang gender. Kaya para sa akin, may (pageant) para sa kanila,” tugon ni Hipon Girl.
Sunod, “Kung ikaw ay magkakaroon ng karelasyon na tomboy o transman at kayo ay mag-aanak, ano ang mas preferred mo, IVF (in vitro fertilization) o adoption?”
Adoption ang pinili ni Herlene dahil katwiran niya, mas praktikal iyon. Masyado raw kasing mahal ang budget kapag nagpa-IVF.
Mukhang pasado naman daw sa mga netizen ang mga isinagot niya.
"Tapos makatulong pa ako sa mga kabataan na kulang sa pagmamahal ng magulang, financial, na hindi kayang suportahan ang paglaki nila. So, ako itong magiging hero nila, magiging magulang nila, na hindi ko man sila isinilang, pero kaya ko silang maging tunay na anak sa puso’t isipan ko. Pagtulong ko na rin sa kapwa Pilipino,” pagbabahagi pa ni Herlene.
Samantala, hindi lamang pagsali sa Binibining Pilipinas ang ipinagpapasalamat ngayon ni Herlene sa kaniyang buhay. Malapit na pala siyang gumradweyt sa college. Nasa 4th Year na siya sa kursong Bachelor of Science in Tourism Management sa College of Saint John Paul II Cainta.
Kung papalarin man daw na makarating sa final round, hindi mangingiming gumamit ng wikang Filipino si Herlene sa pagsagot.
Basahin: https://balita.net.ph/2022/04/13/herlene-hipon-girl-budol-aawra-at-kakarerin-ang-pagtatagalog-sa-binibining-pilipinas-2022/">https://balita.net.ph/2022/04/13/herlene-hipon-girl-budol-aawra-at-kakarerin-ang-pagtatagalog-sa-binibining-pilipinas-2022/
Samantala, sa kaniyang latest Instagram post ay ibinida ni Herlene ang kaniyang posing sa beach na tinawag niyang 'Palakang Pose'.
"Palakang Pose muna si Hipon Girl nyo! Tag mo tropa mong takot sa Palaka!!" saad niya sa caption.