Nagnegatibo sa Omicron sub-variant ang tatlo sa apat na taga-Quezon City na close contact ng isang babaeng taga-Finland na tinamaan ng unang kaso ng nasabing virus sa Pilipinas.
Ipinaliwanag ni City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) chief, Dr. Rolly Cruz, hindi siyam kundi apat lamang ang nakasalamuha ng nasabing 52-anyos na dayuhan nang magtungo sa isang unibersidad sa lungsod at nagsagawa rin ng seminar sa Baguio City matapos dumating sa bansa noong Abril 2.
Sa naturang bilang, tatlo aniya ang isinailalim sa quarantine at negatibo sa coronavirus disease 2019 (Covid-19) habang ang ika-apat ay naiulat na umalis na ng bansa, kasama ng tinukoy na dayuhan.
Siyam na araw matapos dumating sa bansa, nakaramdam ang dayuhan ng sakit ng ulo at pangangati ng lalamunan kaya isinailalim ito sa reverse transcription polymerase chain reaction (RT-PCR) test pat nadiskubre tinamaan ito ng BA.2.12 sub-variant.
Matapos makumpleto ang pitong araw na quarantine ay pinauwi na ito noong Abril 21.