Humihingi ngayon ng tulong ang anak ng isang taxi-driver na pinutulan ng dila matapos holdapin ng dalawang lalaki sa Cebu kamakailan.

Sa Facebook post ni Cristelle Alfanta, nanawagan ito sa mga awtoridad upang maaresto ang dalawang suspek na nangholdap sa amang si Andres Alfanta, 50, nitong nakaraang linggo.

Bukod dito, humihingi rin ito ng tulong sa gobyerno para makarekober ang kanyang ama.

Sa ulat ng pulisya, ang insidente ay naganap sa isang liblib na lugar sa San Fernando, Cebu dakong 1:00 ng madaling araw ng Abril 12.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Bago ang insidente ay sumakay ang dalawang suspek sa taxi ng biktima sa Barangay Banawa, Cebu City at nagpapaghatid sa San Fernando

Pagdating sa madilim at malawak na lugar sa San Fernando ay biglang nagdeklara ng panghoholdap ang dalawang suspek.

Tinutukan ng baril at kutsilyo si Alfanta na nagmamakaawa umano na huwag patayin.

Bago tumakas ang dalawang suspek ay pinutol muna nila ang dila ng biktima.

Sa kabila nito, nakapagmaneho pa rin ang biktima patungong Naga City Hospital, gayunman, inilipat ito sa Talisay City District Hospital upang magamot nang husto.

Sa salaysay pa ng anak biktima, tinangay ng dalawang holdaper ang kinita ng kanyang ama na pambayad sana nila ng renta sa bahay at pambili ng gasolina ng taxi.

Kapag naaresto aniya ang dalawang suspek ay nais niyang mapanagot upang mabigyan ng hustisya ang sinapit ng ama.