Nagmistulang eksena sa boxing ang insidente umano ng pananapak ni dating heavyweight boxing champ Mike Tyson sa isang kapwa pasahero, habang nasa loob ng eroplano sa San Francisco, USA, dahil sa pangungulit umano nito sa kaniya.

Ayon sa ulat, patungong Florida si Tyson mula sa San Francisco International Airport at prenteng nakaupo na sa loob ng eroplano.

Sa kuhang video ng kapwa pasahero, makikita ang isang lalaking panay ang pangungulit kay Tyson na nasa harapan niya. Wala umanong humpay ang makulit na lalaki sa kakaurirat kay Tyson, na mukhang nakulitan at naistorbo na rin, kaya pinagsusuntok nito ang mukha ng lalaki. Napuruhan naman sa noo ang naturang pasahero.

Bumaba umano si Tyson matapos ang naturang insidente. Sa ngayon, wala pang update kung ano na ang sumunod na mga nangyari sa kanila.

Akari Sports wala pang balak pasukin ang PBA

Hindi ito ang unang beses na nasangkot sa kontrobersiya ang boxing champ. Isa na rito ang kaso ng rape na naisampa sa kaniya noon sa pananamantala umano sa 18 anyos na model Desiree Washington sa isang silid ng Indianapolis Hotel.

Noong 1997, kinagat naman niya ang tenga ng kalabang si Evander Holyfield habang nasa boxing ring sila.

Adik din umano siya sa paggamit ng cocaine, isang uri ng ipinagbabawal na gamot.

Noong 2005, pormal nang nagretiro sa boxing si Tyson.