Pilit mang nagpapakatatag at ipinapakita ang makulit na personalidad ni Lyca Gairanod, hindi na napigilang maluha ng singer habang pinagmamasdan ang amang nakaratay sa ospital.
Sa dalawang serye ng Facebook videos nitong Biyernes ng gabi, Abril 22, ibinahagi ng The Voice Kids Champion ang kasalukuyang laban ng kanyang pamilya para sa amang nagpapagaling ngayon sa ospital.
Sa unang video, hindi napigilang mapaluha ni Lyca habang pinagmamasdan ang ama sa labas ng kwarto nito sa ospital. Makikita naman ang kanyang ina sa loob na umaakay sa padre de pamilya.
Sa salamin na bintana ng kwarto, pilit na kinakausap at kumakaway si Lyca sa ama para makuha ang atensyon nito. Kasama ni Lyca ang kanyang mga kapatid sa labas ng kwarto.
"Gising ka na d'yan, magkakantahan pa tayo," maririnig na sambit ni Lyca.
Pagbabahagi ni Lyca, hindi sila sanay na makitang nakaratay ang ama dahil ito ay matatag at imahe ng positibong ama sa kanilang pamilya.
“Hindi kami sanay na ganyan s’ya. Kasi [siya yung] si gulo sa amin. ‘Yung paggising sa umaga wala nang nanggulo sa’yo. Siya ‘yun lagi,” sabi ni Lyca.
Dagdag niya, sa ama niya nakuha ang makulay niyang personalidad.
Samantala, bumuhos ang dasal ng fans at netizens para sa mabilis na pagrekober ng ama ni Lyca.
“Praying for your healing. In the mighty name of Jesus. Amen.God bless.”
“God protect you and his healing power in jesus name,get well soon!!!”
“May the Almighty God touch your father Lyca with His healing hands. Sending love and prayers”
Hindi naman naibahagi ng singer ang partikular na karamdaman ng ama.