PANGASINAN - Patay ang isang ina at dalawang anak na menor de edad matapos umanong pagsasaksakin ng kanyang pinsan sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Lagasit, San Quintin nitong Biyernes ng hapon.

Ang tatlo ay kinilala ng Pangasinan Police Office na sinaCrystalene Ogaco, 36, self employed (online tutorial), Ashley Jewel Morante, 10, at Jacob Morante, 6, pawang taga-nasabing lugar.

Ang bangkay ng mga ito ay natagpuan dakong 1:30 ng hapon nitong Biyernes.

Kaagad namang inaresto ang suspek na si Dexter Lichauco, alyas Terio, 24, pinsan ni Crystalene, at taga-Purok 5, Brgy. Lagasit ng naturang bayan.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Kinumpirma naman ni San Quintin Municipal Police chief, Capt. Ramsey Gannaban na nasa kustodiya na nila ang suspek.

“Tinitingnan pa natin kung ang pamamaslang y may kinalaman sa pangungutang ng suspek o ang sinasabing trip nito na takutin lang ang mga ito subalit nauwi sa krimen. Aalamin din kung ang suspek ay posibleng gumagamit ng iligal na droga," sabi ni Gannaban.

Nanawagan naman ang mga kaanak ng mga biktima na sana mabigyan ng hustisya ang pamamaslang.

“Ang araw na 'to ang pinakamasakit. Hindi ko kayang tumahimik lang, lalo na at buhay ng ate ko at dalawang pamangkin ko na walang kamuwang-muwang ang kinuhanan ng buhay," pahayag naman ni Mark Anthony Lichauco Ogaco, kapatid ni Crystalene.

Inihahanda na ng pulisya ang kasong multiple murder laban kay Lichauco.