Habang naghihintay na tawagin sa entablado ng Olongapo sortie, nagsagawa ng kaniyang Facebook Live si presidential candidate at Vice President Leni Robredo habang nasa loob ng kaniyang sasakyan, ngayong Abril 19, bandang 1PM.

Bukod sa nagbigay ng update si VP Leni sa mga itineraryo ng kanilang kampanya, isinagawa rin niya ang 'What's Inside My Bag' o pagpapakita ng laman ng kaniyang bag. Kuwento niya, kahapon daw ay aksidenteng napindot niya ang FB Live sa kaniyang cellphone na nasa loob ng bag, at hindi sinasadyang nakapag-live siya. Kaya ang nakita umano sa naturang live ay laman ng kaniyang bag.

Sa bandang dulo, napansin ni VP Leni na nanonood sa kaniyang live si Ultimate Heartthrob Piolo Pascual na kamakailan lamang ay nagdeklara ng pagsuporta sa kaniya.

Kapansin-pansing na-conscious ang pangalawang pangulo at napa-'Oh My God' pa.

"Oh my God, si Piolo Pascual… bigla akong na-conscious," saad ni VP Leni at napatingin pa siya sa mga staff niya sa loob ng sasakyan.

"Hi Piolo, kung nanonood ka… na-conscious ako… thank you very much for the support, siguro nakarating na sa 'yo, even before, that I'm such a huge, huge fan… so yung pag-declare mo ng suporta, it really meant the world... so maraming salamat!" pasasalamat ni VP Leni kay Piolo.

Ibinahagi rin ito ni Piolo Pascual sa kaniyang Twitter account.

https://twitter.com/piolopascual_ph/status/1516307346569691138

"Si Leni Robredo ang Presidente ko…" saad sa caption ng Instagram post ni Papa Pi noong Lunes, Abril 11 ng tanghali. Ibinahagi niya ang isang video message na nagsasaad na si VP Leni ang sinusuportahan niya para sa darating na eleksyon.

Basahin: https://balita.net.ph/2022/04/11/piolo-pascual-certified-kakampink-si-leni-robredo-ang-presidente-ko/">https://balita.net.ph/2022/04/11/piolo-pascual-certified-kakampink-si-leni-robredo-ang-presidente-ko/

"Ang sarap pakinggan ng salitang pagkakaisa no? Pero mas masarap siyang maranasan," saad ni Piolo.

"Mahirap at mayaman, babae at lalaki, bata at matanda… lahat ay magkakasama. Lahat ay isinasantabi ang pagkakaiba para magkaroon ng ambag sa bayan. Parang noong simula ng pandemya at nagkakanda-ubusan ng PPE sets para sa ating mga frontliners, mga nagkakaisang Pilipino ang nag-ambagan para mabilis na maaksyunan ang kakulangan."

"Sa punto ng buhay at kamatayan, ang pagkakaisa natin ang nagbibigay ng tatag at pag-asa kaya marami tayong nagagawa. Hindi para sa sarili kundi para sa kapwa. Ganito ang itsura ng totoong unity," saad pa ni Piolo.

"Naka-attend ka na ba ng rally ni Leni Robredo? Ganito rin kasi ang pagkakaisang nangyayari eh. Mga magsasakang naglalakad para makarating sa venue, mga volunteers na gumagastos ng sariling pera para mangampanya, mga nanay na kasama ang mga anak nila sa laban. Mga senior citizen na hindi na iniinda ang mga sakit, dahil ang kampanyang ito ay hindi na tungkol sa iisang pamilya o kandidato, kundi para sa Pilipinas na gusto nilang ipamana sa ating lahat."

"Ang totoong pagkakaisa ay isang pangako na walang maiiwan, lahat tayo magkakasabay na humahakbang para sa pangarap na lipunan, at ang totoong pagkakaisa ay inspirasyon at panawagan na tayong lahat ay gumawa ng kabutihan. Ang sarap ng ganyang klase ng pagkakaisa! Ramdam mong malayo ang mararating nating lahat!"

"Sure ako, totoong malalim ang unity ng mga Pilipino, kung tapat, mahusay at mabuti ang namumuno. Hindi ito yung pagkakaisa ng mga political dynasty para sa sarili nilang interes. Ang totoong unity ay pagkakaisa ng taumbayan. Pilipino para sa kapwa Pilipino. Iisa lang ang taong nagpakita at nakapagparamdam niyan sa atin sa loob ng napakaraming taon. Si Leni Robredo lang."

"At si Leni Robredo lang ang tanging iboboto kong pangulo ngayong eleksyon," pahayag pa ni Piolo.

https://twitter.com/piolopascual_ph/status/1513387218769162242